BISA NG VACCINATION CARD, PALAWAKIN

INIREKOMENDA ni Senadora Grace Poe ang pagpapalawak ng saklaw ng vaccine card upang mas malayang makagalaw ang mga nabakunahan nang indibidwal at maging madali sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na makabiyahe para sa kanilang trabaho.

“Ngayong muli na namang ipinatupad ang dalawang linggong lockdown, kailangang magkaroon ng recovery plan sa ekonomiya para hindi magsara ang mga negosyo at hindi mawalan ng trabaho ang mga tao sa gitna ng pandemya,” saad ni Poe.

Una nang inihain ni Poe ang Senate Bill No. 2321 para palawakin ang layunin ng vaccine card mula sa pagiging informative record tungo sa isang kinikilalang dokumento kung saan ang fully vaccinated na maaaring gamitin bilang requirement abroad o sa domestic travel.

Dahil ‘informative’ lang ang katangian ng vaccine card tulad ng nakasaad sa batas, nananatiling hindi ito sapat na ‘proof of inoculation’ para payagan ang mga mamamayang makabiyahe lalo na ang OFWs na kailangang umalis ng Pilipinas para makapagtrabaho sa ibang bansa.

Alinsunod sa IATF Resolution No. 120, ang fully vaccinated na indibidwal ay dapat magkaroon ng vaccination card at certificate na inisyu ng Department of Information and Communications Technology o City Health Officer ng local government unit na siyang namahala sa huling dose na kailangan para sa full vaccination.

“Pinapagaan ng ating mga OFW ang hagupit sa ekonomiya ng pandemya at ngayo’y pinahihirapan natin silang kumita ng pera sa pamamagitan ng pag-obliga sa kanila ng dalawang magkaibang dokumentong iisa naman ang layunin,” sabi pa ng senador. (DANG SAMSON-GARCIA)

235

Related posts

Leave a Comment