PARA sa Malakanyang, hindi napapanahon na ipatupad ang “no vaccine, no entry” policy sa National Capital Region (NCR) gaya ng itinutulak ngayon sa Lapu-Lapu City.
Ang katuwiran ni Presidential spokesperson Harry Roque, mahihirapang makapamili ang mga hindi pa bakunadong mamamayan kung hahanapan sila ng vaccination card lalo pa’t ilang araw na lamang ay nasa ilalim na ng ECQ ang Metro Manila.
Hindi rin aniya mabibigyan ng pagkakataon ang mga hindi pa bakunadong indibidwal na makapasok sa anomang public at private markets kabilang na ang department stores, supermarkets, grocery stores at convenience stores.
Nauna rito, kumalat sa social media na may kautusang lumabas na epektibo Agosto 25, 2021 ay magpapakita na ang isang indibidwal ng vaccination card na magpapatunay na bakunado na sila at ito ang magiging pasaporte para makapasok sila sa mga nasabing lugar.
Paglilinaw ni Sec. Roque, sa Lapu-Lapu City ito at hindi sa NCR.
“Sir/ma’m totoo po iyan pero inisyu po ‘yan sa Lapu-Lapu City. Now, hindi pa po natin sigurado kung mapapatupad ng Lapu-Lapu City ‘yan kasi nag-issue po ng rule ang IATF na kapag kayo ay magpapatupad ng mas istriktong mga restrictions eh sasagutin po ninyo ang consequences nyan noh? Among others eh kapag kayo’y nag-imposed ng mas strict na restrictions eh baka hindi kayo makakatanggap ng ayuda dahil kayo ay nag-imposed ng strict restrictions.. siguro po ay ang LGUs ang dapat na magbibigay ng ayuda noh? Iyong LGUs dapat ang maghatid ng mga groceries dahil hindi naman po pupuwede hindi sila makapamili ng kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan,” litanya ni Sec. Roque.
“Let me very clear, i commend Mayor Ahong (Chan) of Lapu-Lapu for this innovation no? pero siguro po hindi pa napapanahon kasi iyang ganyang mga restrictions po ay pinapatupad ng bansang France at ilang parte ng Estados Unidos kasi nakabakuna na sila ng more than 50% of their population kumbaga walang dahilan para hindi magpabakuna iyong mga hindi bakunado at karamihan eh bakunado na at makakapamili na dahil mayroon na silang bakuna,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Subalit sa kabila aniya na kinikilala nila ang innovation ni Mayor Ahong ay nakiusap naman si Sec. Roque sa mga lokal na opisyal na mangyaring hintayin muna na makamit ang 50% na mabakunahan ang populasyon. (CHRISTIAN DALE)
184 