EXPORT MARKET NG PH SABA SA NEW ZEALAND PINATATATAG

PATULOY na pinalalawak ng Pilipinas ang export market para sa sariwang saging na saba o cardava matapos maipadala sa Auckland ang ikalawang commercial shipment nito sa New Zealand.

Ang panibagong pagpapadala ay itinuturing na mahalagang hakbang sa pagpapatatag ng presensya ng bansa sa merkado ng New Zealand at patunay na patuloy na nakikilala sa pandaigdigang merkado ang saging na saba na matagal nang bahagi ng lutuing Pilipino.

Nabatid na ang pinakahuling shipment ng Davao City-based Avante Agri-Products Philippines Inc. ay kasunod ng matagumpay na pagdating ng unang export shipment nito noong mga unang buwan ng taon, na nagpalakas sa kumpiyansa ng mga buyer at nagbukas ng oportunidad para sa regular na mga order mula sa New Zealand.

Ang shipment ay binubuo ng isang 40-foot refrigerated container na may kargang 1,400 kahon ng export-quality na sariwang saging na saba para sa Fresh Produce Group NZ Ltd.

Bawat kahon ay naglalaman ng 12 kilo ng prutas na maingat na ibinalot at inilagay sa mga pallet upang mapanatili ang kasariwaan nito sa buong biyahe at matugunan ang mahigpit na food safety at plant quarantine standards ng New Zealand.

Ayon sa kumpanya, dumating ang unang shipment sa maayos na kondisyon at positibong tinanggap ng buyer, na nagsisilbing patunay sa kalidad ng saging na saba ng Pilipinas at nagbukas ng posibilidad para sa mga susunod pang export shipment sa mga darating na buwan.

Inaasahan ding makatutulong ang panibagong order sa pagpapalakas ng kabuhayan ng mga nagtatanim ng saging sa Mindanao, kung saan patuloy na naghahanap ang mga producer ng mas maraming export markets upang mabawasan ang pagdepende sa mga tradisyunal na destinasyon.

Samantala, sinabi ni Department of Agriculture Regional Executive Director Macario D. Gonzaga na ang matagumpay na ikalawang shipment ay patunay sa kakayahan ng industriya ng saging sa Davao Region na matugunan ang pangangailangan ng international market habang lumilikha ng karagdagang oportunidad para sa mga lokal na magsasaka.

Binigyang-diin din ng DA ang lumalaking komersyal na potensyal ng mga katutubong pananim ng Pilipinas na matagal nang bahagi ng lokal na pagkain ngunit ngayon ay nagsisimula nang makakuha ng pandaigdigang pagkilala.

(PAOLO SANTOS)

159

Related posts

Leave a Comment