IPAGPAPATULOY ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa umano’y mga iregularidad sa mga flood control project sa oras na pormal nang mabuo ang komite sa pagbabalik-sesyon ng Senado sa Hulyo 27.
Ito ang inihayag ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senator Erwin Tulfo nitong Linggo, kasabay ng paglilinaw sa proseso ng pagbuo ng komite bago makapagsagawa ng mga pagdinig.
Ayon kay Tulfo, sa mismong araw ng State of the Nation Address (SONA) pormal na bubuuin ang Blue Ribbon Committee, kabilang ang pagsusumite ng mga senador ng listahan ng mga magiging miyembro nito.
“Magkakaroon tayo ng imbestigasyon sa flood control. Imbestigahan natin, ituloy natin, pero paano kung ang mga pangalan na lumabas ay kapareho rin ng mga kinasuhan ng Ombudsman dahil sa unang Committee Report ng Blue Ribbon? Uuulitin lang ba natin ito? Dapat may mga bago nang pangalan,” ani Tulfo.
Sinabi rin ng senador na iimbitahan niya ang lahat ng mga stakeholder at magpapatupad ng mga bagong patakaran sa pagdinig, kabilang ang mas mahigpit na beripikasyon ng mga affidavit at pagbabawal sa mga biglaang testigo o “surprise witnesses.”
Binigyang-diin ni Tulfo na bukod sa pananagutin ang mga sangkot sa umano’y flood control scam, kinakailangan ding magkaroon ng pangmatagalang solusyon upang maiwasan ang pag-uulit ng mga anomalya.
Ayon sa senador, ang pagbuo ng isang Philippine Infrastructure Masterplan ang isa sa pinakamahalagang hakbang upang matiyak na hindi nakadepende sa pulitika ang pagpapatuloy ng mga proyektong pang-imprastraktura.
“Ang pagkakabunyag ng flood control scam ay maituturing na isang blessing in disguise. Natuklasan natin ang dahilan sa likod ng walang katapusang problema sa pagbaha at maging sa mga problema sa kalsada. Ito ay dahil ibinubulsa ang mga pondo,” ani Tulfo.
Idinagdag niya na sa pagkakaroon ng isang pambansang masterplan, magiging tuluy-tuloy ang pagpapatupad ng mga proyekto kahit magpalit ng administrasyon.
Kasunod nito, hinimok ni Tulfo ang kanyang mga kapwa mambabatas na suportahan ang kanyang Senate Bill No. 1360 o ang Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Act.
Layunin ng panukala na magtatag ng isang whole-of-government strategy sa pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura sa buong bansa. Bibigyang-prayoridad nito ang mga proyektong may national significance habang tinitiyak na nakahanay ang mga ito sa mga regional at sectoral development plans.
Ayon kay Tulfo, kapag naisabatas ang MIND Act, magkakaroon ng iisang direksyon ang lahat ng infrastructure projects—mula sa malalaking proyekto hanggang sa maliliit na imprastruktura—upang maiwasan ang pagdodoble ng proyekto, mapabilis ang implementasyon, at mapalakas ang pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan.
167 