MAY PARCEL NA NAKA-HOLD SA CUSTOMS? BAKA LOVE SCAM ‘YAN – BOC

NAGBABALA ang Bureau of Customs (BOC) sa publiko laban sa mga love scam kung saan nililinlang ang mga biktima na magbayad ng pera para sa umano’y pagpapalabas ng parcel o regalo na sinasabing naka-hold sa Customs.

Ayon sa BOC, ginagamit ng mga scammer ang pangalan ng ahensya upang magmukhang lehitimo ang kanilang modus at mapaniwala ang mga biktima na kailangan munang magbayad ng customs duties, taxes, processing fees, o iba pang bayarin bago mailabas ang package.

Karaniwang nagsisimula ang modus sa pakikipagkilala sa social media, messaging applications, o online dating platforms. Kapag nakuha na ang tiwala ng biktima, sasabihin ng scammer na nagpadala siya ng regalo, alahas, gadgets, pera, o iba pang mamahaling bagay mula sa ibang bansa.

Sa ilang pagkakataon, nagpapadala pa umano ang mga scammer ng maliit at lehitimong parcel upang mas makuha ang tiwala ng kanilang target.

Kalaunan, may tatawag, magte-text, o magme-message sa biktima na nagpapakilalang opisyal o empleyado ng Bureau of Customs at magsasabing naka-hold ang package at kailangan munang magbayad bago ito mailabas.

Upang magmukhang kapani-paniwala ang kanilang panlilinlang, gumagamit umano ang mga scammer ng mga pekeng invoice, shipping documents, tracking records, fake tracking websites, at maging ng mga inedit na larawan ng package o mamahaling regalo.

Batay sa mga naitalang kaso, hinihikayat ang mga biktima na magpadala ng bayad sa pamamagitan ng personal bank accounts, e-wallets, o money remittance services. May ilan ding paulit-ulit na sinisingil ng iba’t ibang umano’y charges bago raw mailabas ang package.

Mariing nilinaw ng BOC na hindi bahagi ng opisyal na proseso ng ahensya ang ganitong paraan ng paniningil.

Iginiit din ng Bureau of Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na walang awtoridad ang sinumang opisyal o empleyado ng BOC na tumanggap ng bayad sa pamamagitan ng personal bank accounts, e-wallets, o money remittance services.

“Mas nagiging sopistikado ang mga scam na ito at sinasamantala nila ang tiwala at emosyon ng kanilang mga biktima. Kung ang isang taong nakilala lamang online ay nagsasabing may ipinadalang regalo at may humihingi ng bayad para mailabas ito sa Customs, mag-ingat at i-verify muna ang impormasyon sa pamamagitan ng opisyal na channels ng Bureau,” ayon kay Nepomuceno.

Hinimok ng BOC ang publiko na maging mapanuri sa pakikipagkilala online at agad na iulat ang mga kahina-hinalang tawag, text message, o email na gumagamit ng pangalan ng Bureau of Customs upang manghingi ng pera.

Paalala ng BOC, kung ang bayad para sa umano’y package na naka-hold sa Customs ay ipinapadala sa personal na bank account o e-wallet, malaki ang posibilidad na isa itong scam. Pinayuhan ang publiko na tiyaking beripikado muna ang impormasyon bago magpadala ng anomang halaga.

(JESSE RUIZ)

160

Related posts

Leave a Comment