CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MAY bagong pelikula ang Tsina, pero hindi ito sa sinehan kundi sa makinarya ng kanilang state-controlled media, ang China Daily. Gamit ang artificial intelligence (AI), naglabas sila ng video kung saan ang isang unggoy—na naka-Barong Tagalog pa, ha!—ay binobomba ng water cannon. Napaka-orihinal. Kung akala ninyo ay drowing lang ito ng isang batang pikon, nagkakamali kayo. Opisyal na propaganda ito mula sa isang bansang nagpipilit maging “responsableng pinuno” ng buong mundo.
Siyempre, agad na umusok ang ilong ng Department of Foreign Affairs (DFA), National Security Council, at Department of National Defense (DND). Kinondena ng marami ang tahasang rasismo at pambababoy sa dignidad ng Pinoy. Ayon kina Defense Secretary Gilbert Teodoro at PCG Spokesperson Jay Tarriela, ang ganitong mababang uri ng pag-atake ay patunay lang na “bangkarote” na ang Tsina sa katwiran at batas. Sabi nga ni Tarriela, senyales ito na talo na sila sa naratibo. Kumbaga sa asaran sa kanto, kapag wala ka nang pambato sa debate, manlalait ka na lang ng mukha ng tao.
Ang depensa naman ng foreign ministry ng Tsina? Hindi raw sa gobyerno ang video na ‘yan. Sus, ginuo. Sa isang bansang kahit pag-post ng meme ni Winnie the Pooh ay bawal, naniniwala ba tayong makalulusot ang isang AI video sa kanilang state media nang walang basbas ng gobyerno? Huwag nating gawing tanga ang isa’t isa.
Pero teka, kung babasahin natin ang kasaysayan, hindi naman bago ang linyang “unggoy.” Noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano, hilig din nilang itulad ang mga Pilipino sa mga matsing na walang buntot para bigyang-katwiran ang kanilang pananakop. Ngayon naman, Tsina ang gumagawa nito dahil hindi nila makuha ang West Philippine Sea gamit ang legal na argumento. Isang malaking sampal ang 2016 Arbitral Award sa kanila, kaya idinadaan na lang sa animation.
Kung tutuusin, kung gagawin nating basehan ang mitolohiya ng Tsina, nakalimutan yata nila ang sarili nilang kasaysayan. Ang pinakasikat na unggoy sa buong mundo ay si Sun Wukong, ang Monkey King mula sa nobelang Journey to the West. Si Sun Wukong ay matalino, rebelde, hindi sumasamba sa mga mapang-aping diyos, at higit sa lahat, imortal. Kung unggoy ang tingin ng Tsina sa atin dahil lumalaban tayo sa kanilang pang-aapi sa sarili nating karagatan, sige, baka nga inapo tayo ni Sun Wukong. Handa tayong maging rebelde laban sa mga mapaniil.
Ang masakit lang dito, habang nag-iingay ang DFA at mga mambabatas tulad nina Leila de Lima at Kiko Pangilinan upang ipagtanggol ang ating dangal, may ilang politiko sa ating sariling bakuran ang biglang naging pipi.
Tikom ang bibig sa isyu ng West Philippine Sea, at ngayon, tila nakatahi pa ang bibig sa usaping matsing. Nasaan ang pagkakaisa kapag bansa na natin ang nilalapastangan? Mukhang mas loyal pa ang ilan sa Beijing kaysa sa Maynila.
Hindi unggoy ang mga Pilipino. At ang rasismo, kahit balutin pa sa makabagong teknolohiya ng AI, ay nananatiling mabaho, bulok, at marapat na itapon sa basurahan ng kasaysayan. Kung ang layunin ng Tsina sa video na iyon ay takutin tayo at palabasing katawa-tawa, nagkamali sila ng kinalabang lahi. Dahil ang Pilipino, kahit bombahin mo ng tubig, hindi uurong—at lalong hindi papayag na gawing laruan ng kahit sinong dayuhang hari.
159 