PATAY ang isang lalaki matapos barilin sa ulo sa harap ng Prinza Elementary School sa Teresa, Rizal noong Huwebes ng hapon, Hulyo 16.
Sinasabing hinihintay ng biktima ang paglabas ng kanyang anak nang isagawa ng suspek ang krimen.
Ayon sa pulisya, kabababa pa lamang ng biktima mula sa kanyang tricycle nang lapitan at paputukan ng suspek na nag-aabang sa lugar.
Idineklarang dead-on-arrival sa ospital ang biktima dahil sa tama ng bala sa ulo.
Kinumpirma ng mga saksi na ang suspek ay guwardiya ng paaralan na kasalukuyang naka-leave, na agad tumakas gamit ang motorsiklo.
Lumabas sa imbestigasyon, nag-ugat ang krimen sa mainitang pagtatalo ng dalawa kamakailan nang sitahin ng guwardiya ang biktima sa pagpasok sa compound ng eskwelahan.
Bagamat nagkaayos na sa tulong ng pamunuan, itinuturing itong motibo sa krimen.
Bunsod ng takot at trauma ng mga estudyante at guro, pansamantalang sinuspinde ang face-to-face classes sa paaralan habang patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang tumakas na suspek.
(NILOU DEL CARMEN)
193 