Para sa mawawalan ng trabaho sa ECQ DAGDAG-PONDO HIRIT NG DOLE

BILANG paghahanda sa magiging epekto ng panibagong deklarasyon ng Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila, humirit ng dagdag-pondo ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa layon nitong maayudahan ang mga ‘formal at informal workers’ na muling mapuputulan ng pagkakakitaan sa loob ng dalawang linggong lockdown simula sa ika-6 ng Agosto.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, bagamat mayroong naiwang pondo ang Department of Budget and Management (DBM) at ang Office of the President para sa mga mawawalan ng trabaho, mas mainam aniyang madagdagan ito sakali mang mas matindi kaysa sa kanilang inaasahan ang maaaring idulot ng 14-araw na lockdown sa kabisera.

Kasalukuyan na rin aniyang pinag-uusapan ng DOLE, Department of Trade and Industry, Department of Health at Department of Social Welfare (DSWD) kung anong uri ng tulong ang ibibigay sa mga apektadong manggagawa.

Pag-amin pa ng Kalihim, higit pa sa 14 na araw ang mararanasang dagok ng mga manggagawa.

“Hindi lamang 15 days na mawawalan ng trabaho yung ating mga kababayang manggagawa, kundi simula rin ngayon… Ang kasunod niyan, gutom ang katumbas sa mga manggagawa natin,” giit pa ng kalihim.

Gayunpaman, tiniyak ni Bello na maaari pa naman aniyang makakuha ng one-time cash assistance na P5,000 ang mga formal worker sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measure Program (CAMP), habang ang mga informal worker ay binibigyan ng trabaho sa ilalim ng TUPAD na may sweldo na katumbas ng ‘minimum wage’. (RENE CRISOSTOMO)

172

Related posts

Leave a Comment