AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
SUNOD-SUNOD na text messages mula sa mga OFW na nakabilanggo sa Deportation Jail sa Riyadh, Saudi Arabia ang aking natanggap kahapon.
Marahil ay nabasa ng mga OFW sa loob ng deportation area ang ating isinulat sa ating kolum noong Lunes, kung kaya sumubok din ang iba pang mga nakabilanggong OFW na magpadala ng kanilang pakiusap na sila ay matulungan.
Kabilang sa nagpadala ng mensahe si Malyn Camitan na taga Plaridel, Bulacan. Ayon kay Malyn ay anim na buwan na siyang nakakulong sa Jawazat Tarjel Deportation. Sa kanyang mensahe ay sinabi niyang: “parang awa nyo na, tulungan nyo ako makauwi sa Pilipinas. May money claim ako na 20,000 mula sa deployment cost ko. Magsasaka lamang po ang pamilya ko at wala kaming pambayad”.
Sumbong pa ni Malyn na: “paglabag na po sa human rights ang pagtatrato sa amin sa loob ng kulungan. Baka bangkay na po kami maiuwi sa Pilipinas. Labintatlong pinay po kami rito sa loob ng kulungan at hindi po kami binibigyan ng sapat na pagkain dito”.
Ang grupo na ito nina Malyn ay labis-labis na nakikiusap sa AKOOFW upang idulog ang kanilang sumbong kay Ambassador Adnan Alonto upang sila ay dalawin ng ating embahada at madalhan ng pagkain at personal hygiene kit.
Personal ko na rin ipinakiusap kay OWWA Welfare Officer Racquel Kunting ang kahilingan na ito ng ating mga kabayani na nasa loob ng deportation area.
Ipinaliwanag din naman ni WelOf Racquel na ilan sa kawani kasi ng Philippine Overseas Labor Office ay nagpositibo sa COVID-19 virus kung kaya hind sila makalabas ng kanilang tahanan upang regular na mabisita ang mga kabayani sa loob ng kulungan.
Gayunpaman ay nangako si WelOf Racquel na pilit nilang susubukin na makadalaw at makapagdala ng pagkain sa lalong madaling panahon.
SAMANTALA, ang AKOOFW Kusina ng Bayan ay magsisimula nang makipag-ugnayan sa mga Local Government Unit o mga Barangay na lubhang maaapektuhan ng ECQ. Susubukin ng AKOOFW Kusina ng Bayan na makapagdala ng mga bago at mainit na pagkain sa bawat tahanan upang maiwasan na magkaroon ng pila na mahigpit na ipinagbabawal ng IATF. Una na sa listahan ang siyudad ng Maynila na pupuntahan ng AKOOFW Kusina ng bayan.
***
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
218 