GOBERNADOR INIIMBESTIGAHAN SA ‘DI NATAPOS NA PROYEKTO

INIIMBESTIGAHAN na ng Office of the Ombudsman ang reklamong inihain ng Presidential Anti – Corruption Commission (PACC) at ng Department of Justice kaugnay ng  umano’y katiwalian laban sa isang gobernador, asawa nito at 15 iba pa dahil sa kwestiyonable o  hindi umano natapos na mga proyektong imprastraktura na nagkakahalaga ng tinatayang P149 milyon.

Ito ay kaugnay sa nakatengga o hindi pa rin natapos na proyekto na may kinalaman sa Nueva Vizcaya Convention Center, Improvement at Expansion ng Provincial Capitol Building 1 and 2 , at Conference Hall sa Lower Magat Eco- Tourism Park sa Diadi , Nueva Vizcaya.

Ipinaliwanag ni PACC Chairman Greco Belgica na matibay ang kanilang mga nakalap na ebidensya at mga testimonya laban kay Nueva Vizcaya Governor Carlos Padilla at sa 15 iba pa, kaya’t nasa kamay na ng Office of the Ombudsman ang reklamo.

Kabilang sa mga reklamong isinampa laban kay Gobernador Padilla at sa 15 iba pa ay paglabag sa Section .3 (e) ng Republic Act (RA) No. 3019 o Anti- Graft and Corrupt Practices Act,  Sec.65 (c) (1)ng RA No. 9184 o Government Procurement Act dahil sa hindi umano natapos na mga proyekto ng gobyerno, kung saan isinama rin sa reklamo ang Sharysu Builders na tumayong contractor sa proyekto.

Bukod sa kasong kriminal, pinahaharap din ang mga respondent sa kasong administratibo, ayon kay Chairman Belgica.

Hiniling din ng PACC sa Office of the Ombudsman na masuspinde si Padilla at iba pang mga opisyal sa Nueva Vizcaya upang hindi umano  maimpluwensyahan ang imbestigasyon.

Ayon naman kay Department of Justice Secretary Menardo Guevarra, ang reklamo laban sa mga opisyal ng Nueva Vizcaya ay kasalukuyan nang pinag-aaralan ng Tanggapan ng Ombudsman, nauna na itong isinalang sa evaluation ng Task Force Against Corruption ng DOJ ( TFAC – DOJ) ang fact-finding report ng PACC at ng National Bureau of Investigation – Special Action Unit na nakitaan ng sapat o supisyenteng mga ebidensya upang magharap ng pormal na reklamo sa Ombudsman.

Kinumpirma ng kalihim na bukod sa reklamo laban sa mga opisyal ng Nueva Vizcaya, marami pa silang mga kaso laban sa iba pang local government officials na kanila na ring inendorso sa OMB dahil sa samu’t saring katiwalian sa lugar na kanilang nasasakupan. (FERNAN ANGELES)

172

Related posts

Leave a Comment