NADAKIP ang notoryus na miyembro ng Concepcion criminal gang sa isinagawang law enforcement operation ng Police Regional Office 5 –Albay PNP, kaugnay sa kasong paglabag sa probisyon ng RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, sa lalawigan ng Albay.
Ayon kay PNP Bicol Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo, naglunsad ng manhunt operation sa Brgy. Alongong, Libon, Albay sa bisa ng warrant of arrest laban sa akusadong si Jonathan Lascano y Cabrillas, 44-anyos, residente ng nasabing lugar.
Sa nasabing operasyon, habang si Lascano ay binabasahan ng miranda doctrine ay may isang lalaking umagaw sa atensyon ng mga operatiba nang bigla itong tumakbo patungo sa likod ng bahay ng akusado na nag-udyok sa mga operatiba na habulin ang naturang lalaki.
Nang makorner nila ito, bumungad sa kanila ang isang kalibre .45 pistola, may magazine at loaded ng pitong bala na nasa pangangalaga nito. Kinilala ang suspek na si Ramil Ramos y Sario, residente rin ng nabanggit na lugar
“Ang buong hanay ng PNP Bicol ay mananatiling nakatuon sa hangarin nitong lalong gawing ligtas ang rehiyon tungo sa pagkamit ng pagbabago at pag-unlad para sa mga susunod pang henerasyon,” pahayag ni RD Estomo. (JESSE KABEL)
252 