6 ARESTADO SA SUGAL, SHABU

ARESTADO ang anim na sugarol kabilang ang apat na babae, matapos makumpiskahan ng umano’y shabu sa isinagawang anti-illegal gambling operation ng pulisya sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon Police chief, Col. Albert Barot ang mga arestado na sina Joel Mahusay, 43; Benjamin Dela Cruz, 22; Jean Rose Almonte, 21; Elsie Soriano, 18; Joan Mangaring, 39, at Marita Mijares, 41-anyos.

Ayon sa imbestigasyon ni P/MSgt. Randy Billedo, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng impormasyon mula sa Barangay Intelligence Network (BIN) hinggil sa nangyayaring illegal gambling activity na kilala bilang “Lucky Nine” sa Estrella St., Brgy. Tañong.

Agad bumuo ng team ang mga operatiba ng SIS, sa pangunguna ni P/SSgt. Mitchum Caoy, sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Zoilo Arquillo saka nakipag-coordinate sa mga tauhan ng Sub-Station 6, sa pamumuno ni P/Lt. Rommel Adrias.

Pagkaraan ay isinagawa ng pinagsanib na mga tauhan ng SIS at SS6 ang joint operation sa naturang lugar dakong alas-10:15 ng umaga na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang deck ng cards at P1,130 bet money habang narekober naman kay Mahusay ang 3 plastic sachets ng 2.37 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P16,116. (FRANCIS SORIANO)

237

Related posts

Leave a Comment