NAG-ABISO si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque, handa na silang bakunahan ang mga nasa edad 17-anyos pababa ngunit hindi pa sa ngayon dahil kapos pa sa COVID-19 vaccines.
“I wouldn’t mind that we should already start vaccinating children for as long as, first, we prioritize… those with comorbidities,” pahayag ni Duque.
Ngunit giit nito, patuloy pa ring pinag-aaralan ang suhestiyon na ito ng mga miyembro ng Vaccine Expert Panel at ng All Experts Group ng DOH.
“I would support it, supply permitting,” dagdag pa ng kalihim
Ito ay makaraang mabatid na nakapagtala ang Philippine General Hospital ng anim na COVID-19 pediatric cases, kabilang ang dalawang may ‘comorbidities’ at malubha ang kalagayan.
Una nang sinabi ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na maaaring mag-umpisa na ang pagbabakuna sa mga nasa edad 12 hanggang 17-anyos sa Setyembre o Oktubre ngunit depende pa rin sa pagdating ng suplay ng bakuna.
Sa pagsama sa mga bata, nangangahulugan na madadagdagan ng mula 12 milyon hanggang 14 milyon ang kabuuang indibidwal na dapat mabigyan ng bakuna. (RENE CRISOSTOMO)
159 