SINUSPINDE ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pinaikling testing at quarantine protocol para sa mga fully vaccinated na nagkaroon ng close contacts sa mga kumpirmadong may kaso ng COVID-19.
Ito ay bilang bahagi ng nagpapatuloy na implementasyon ng proactive measures para pabagalin ang pagsirit ng COVID-19 cases at patigilin ang pagkalat ng variants.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, pansamantalang sinuspinde ng IATF nitong Martes ang protocol na pinapayagan na paikliin ang quarantine period para sa mga fully vaccinated individuals na nagkaroon ng close contacts sa “probable and confirmed COVID-19 cases.”
Ang nasabing protocol, na nakasaad sa Paragraph C ng IATF Resolution No. 124-B series of 2021 na ipinalabas noong Hulyo 2, 2021, ay nagsasaad na “fully vaccinated individuals may undergo a shortened 7-day quarantine period, provided they remain asymptomatic for the duration of the 7-day period.”
“With this suspension, the testing and quarantine protocols of fully vaccinated individuals shall comply with the Department of Health Department Memorandum No. 2020-0512, or the Revised Interim Omnibus Guidelines on the Prevention, Detection, Isolation, Treatment, and Reintegration Strategies for COVID-19, issued on November 26, 2020,” ayon kay Sec. Roque.
Nakasaad naman sa DOH memorandum na ang lahat ng nagkaroon ng close contacts sa probable and confirmed cases at travelers ay kailangan na ilagay sa ilalim ng 14-day quarantine period.
Ang mga close contact na nananatiling asymptomatic sa loob ng 14 araw simula sa ‘date of exposure” ay maaari nang itigil ang quarantine.
Sa pagkakataon naman na nag-develop sila ng sintomas o nag-test positive para sa coronavirus, kailangan na sila ay kagyat i-isolate at i-admit sa tamang pasilidad. (CHRISTIAN DALE)
168 