SUGATAN ang isang safety officer ng construction site sa 21st Drive sa BGC, Taguig City dahil sa pagsabog ng gas pipe na tinamaan sa paghuhukay at nagresulta sa sunog dakong alas-6:00 ng gabi noong Miyerkoles.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, aksidenteng tinamaan sa paghuhukay ng isang construction worker ang gas pipe na nakabaon sa ilalim ng lupa na nagresulta sa pagsabog na naging sanhi ng sunog.
Kasalukuyang on-duty sa lugar ang project safety officer ng construction site na nasaktan sa insidente.
Agad isinugod ang hindi pa pinangalanang safety officer sa St. Luke’s Medical Center para sa kaukulang lunas.
Bagama’t ang sunog ay sa construction site lamang, nagsagawa ng evacuation sa kalapit na commercial establishments para sa kaukulang pag-iingat.
Pansamantalang sinuspinde ng Taguig City LGU ang konstruksyon sa nabanggit na lugar habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon at safety assessment.
Idineklarang fire out dakong alas-9:35 ng gabi ang sunog na umabot sa first alarm.
Kabilang sa nagresponde sa insidente ng sunog ang iba’t bang fire responders ng Metro Manila, fire volunteers, FBDC at BGC management, staff ng Barangay Fort Bonifacio, si Taguig City Mayor Lino Cayetano at ang Taguig CDRRMO.
Kasalukuyang nasa stable condition na ang biktimang safety officer habang wala namang naiulat na fatalities dahil sa insidente. (DAVE MEDINA)
191 