TIMBOG sa inilunsad na manhunt operation ng mga tauhan ng PNP-Police Regional Office 5 ang isang dating pulis at kasabwat nito sa kasong pagpatay sa lalawigan ng Masbate.
Sa report na isinumite kay PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo ng Masbate Police Provincial Office, kinilala ang mga nadakip na sina Alen Cabarles y Ignacio alyas “Bebot,” 34, tinaguriang rank 1 most wanted person, at Val Azotea y Alvarado, 45, dating pulis at rank 4 most wanted person sa Dimasalang, Masbate.
Ang dalawa ay natunton ng mga operatiba ng Masbate PPO sa kanilang pinagtataguan sa Brgy. Poblacion, Baleno ng nasabing lalawigan.
Ang dalawa ay dinampot sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Executive Judge Igmedio Emilio F. Camposano, ng RTC Branch 49, Cataingan, Masbate noong Mayo 27, 2020 para sa kasong murder sa ilalim ng Criminal Case No. 3372-19 at walang piyansang inirekomenda.
“Nadakip ang mga suspek sa tulong at kooperasyon ng komunidad. Ang pakikipagtulungan ng publiko sa pulisya ay isang indikasyon sa pagnanais nitong mapigilan ang kriminalidad sa buong rehiyon,” ayon kay P/BGen. Estomo.
“Ang PNP at bawat Bicolano ay iisa sa hangarin nitong mas gawing payapa ang ating pamayanan. Sa mga susunod na araw makakaasa kayo na mas pag-iigihan pa ng inyong Kasurog cops ang pagbibigay ng de-kalibreng serbisyo para sa lahat,” dagdag ni PBGen. Estomo. (JESSE KABEL)
179 