BUNSOD ng maigting na kampanya ng pulisya ayon sa utos ni P/Major General Vicente Danao Jr., Regional Director ng NCRPO, nadakip ang tatlong suspek sa pagnanakaw, pagpatay at pagsunog sa isang konsehal ng Maragondon, Cavite, halos isang taon na ang nakararaan nang matunton ang kinaroroonan ng mga ito sa Baseco Compound sa Port Area, Manila.
Nauna rito, tinutugis ng Maragondon PNP ang mga suspek na sina Marvin Madugay Rosales, Mark Kevin Decin, kapwa residente ng Brgy. Sapang 2, Ternate, at Arnold Lacanas, 29, ng Brgy. Garita A, Maragondon dahil sa pagpatay kay Raulito Aquino, dating konsehal ng Maragondon at residente ng Brgy. Bucal 2, ng nasabing bayan.
Ayon sa report ni Pat. Juviel De Leon ng Maragondon MPS, nangyari ang insidente dakong madaling araw sa rest house ng konsehal sa Brgy. Bucal 1, Maragondon kung saan natagpuan ang sinunog na bangkay ng biktima.
Batay sa salaysay ng anak ng biktima na si Edralyn Aquino, 34, dakong alas-1:50 ng madaling araw noong Agosto 16, 2020, nagpapahinga siya sa kanilang bahay sa Brgy. Bucal 2 nang tawagan siya ng kanyang ina para ibalitang nasusunog ang kanilang rest house sa Bucal 1.
Bago ang pangyayari, tinawagan sila ng kanilang ama na doon na sa kanilang rest house matutulog dahil masama ang kanyang pakiramdam.
Ayon pa kay Pat. De Leon, positibong suspek ang tatlo dahil inupahan umano ng biktima ang mga ito para gumawa ng kulungan ng manok sa kanyang rest house.
Gayunman, hindi na natagpuan ang mga ito sa kanilang bahay makaraang mangyari ang pagpatay.
Nabatid din sa imbestigasyon na nawawala ang mga kasangkapan at alahas ng biktima,
Nabatid na ang biktima, matapos na nagretiro ay nagpatayo ng rest house sa nasabing lugar at nag-alaga ng mga hayop.
Gayunman, napag-alaman ng MPD-Station 13 na naglulungga ang mga suspek sa Baseco Compound at nagtrabaho ang mga ito bilang construction worker.
Dahil dito, sa pangunguna ni P/Lt. Col. Robert Domingo, ay nadakip ang mga suspek. Nahaharap ang mga suspek sa kasong arson at robbery with homicide.
Samantala, pinapurihan ni MPD Director, P/BGen. Leo “Paco” Francisco ang buong team ng Station 13 sa mabilis na pag-aresto sa mga suspek. (RENE CRISOSTOMO)
