DELTA VARIANT NAKAPASOK NA SA NORTH COTABATO?

MLANG, NORTH COTABATO – Posible umanong nakapasok na ang COVID-19 Delta Variant sa bayan ng Mlang sa lalawigang ito dahil agresibo at hindi ordinaryo ang naitatalang mga kaso ng nasabing sakit kamakailan at ang pagtaas ng bilang ng severe patients.

Ayon kay M’lang Municipal Health Officer Dr. Jun Sotea, kahit hindi pa kumpirmado may Delta variant sa bayan ay kailangan nilang maging proactive at advance sa mga hakbangin nila katulad ng mass testing upang mas maagang masuri kung sino ang mga positibo sa virus at nang maiwasan ang COVID-19 surge.

Dahil dito, inirekomenda ng Municipal Health Office sa Integrated Provincial Health Office na magsagawa ng specimen sample collection sa ilang nagpositibong mga pasyente para sa pagsasailalim sa genome sequencing testing na siyang tutukoy kung ang Delta variant ang dahilan ng paglobo ng mga kaso ng impeksyon sa bayan.

Samantala, hindi na itutuloy ang planong pagsasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine matapos matalakay ang ilang mga negatibong implikasyon nito sa ekonomiya at sikolohikal.

Mananatili sa General Community Quarantine o GCQ ang quarantine status ng bayan subalit magpapatupad ng heightened restrictions upang masaway ang health protocol violators na isa sa mga dahilan ng pagdami ng nagkakaroon ng COVID-19.

Panawagan ni Dr. Sotea sa mga taga Mlang, huwag nang hintayin pang masita dahil sa paglabag, maging responsable at disiplina ang pairalin bilang ambag sa mga hakbang ng LGU para hindi na makadagdag pa sa hirap ng frontliners. (BONG PAULO)

114

Related posts

Leave a Comment