ARESTADO sa mga pinagsanib na mga operatiba ng Pasong Putik Proper Police Station (PS-16) at Novaliches Police Station (PS-4) ang isang hinihinalang carnapper dakong alas-5:00 ng umaga noong Agosto 15 sa Quezon City.
Kinilala ni P/BGen. Antonio C. Yarra, District Director of QCPD, ang suspect na si Dexter Matrimonio, 23, residente ng Lazaro Village, Brgy. 167 Llano, Caloocan City.
Ayon sa report na isinumite ni P/Lt. Col. Joven Larga, station commander ng PS-16, dakong alas-2:00 ng madaling-araw noong Agosto 15 nang iparada ng biktimang si Patricio Solis, isang vendor, ang kanyang motorsiklo sa Magno Subdivision, Dumalay St., Brgy. Sta. Monica, Novaliches.
Ngunit pagbalik niya sa parking area dakong alas-5:00 ng umaga sa parehong petsa ay nadiskubre niyang wala na ang kanyang motorsiklo.
Agad niyang ipinagbigay-alam ang insidente sa Barangay Sta. Monica Novaliches at sa Police Station 4.
Agad namang naglatag ng checkpoint ang mga awtoridad sa Damong Maliit, Nagkaisang Nayon, Novaliches, kung saan ay naispatan ang isang binatilyong walang suot na helmet habang nakasakay sa motorsiklo.
Pinahinto ng police officers ang nasabing motorsiklo at sa pagberipika ay walang naipakitang dokumento ang menor de edad para sa kanyang pagmamaneho.
Sa beripikasyon ng mga awtoridad sa menor de edad, inamin nito na ang motorsiklo ay kanyang binili mula kay Dexter Matrimonio sa halagang P8,000.
Mabilis na nagsagawa ang mga awtoridad ng follow-up operation dakong alas-9:00 ng gabi na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek sa Magno Subdivision, Dumalay St., Brgy. Sta. Monica, Novaliches, Quezon. (JOEL O. AMONGO)
380 