P4.5M UKAY-UKAY KUMPISKADO SA ILOILO

HINDI nakalusot sa mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Ilo­ilo ang bulto-bultong ukay-ukay na nadiskubre sa isang storage facility sa Jaro, Iloilo City kamakailan.

Bitbit ang Letter of Authority na inisyu ni Customs Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero, isang composite team sa pangunguna ni Port of Iloilo Customs Intelligence and Investigation Services (CIIS) Field Station Chief, IO1 Lot K. Abordo, sa pakikipagtulungan sa Enforcement and Security Service – Customs Police Division (ESS-CPD), Customs and Border Protection (CBP) -District VI and Barangay Officials, ay nag-inspeksyon sa nasabing warehouse facility kung saan tumambad ang hindi bababa sa P4.5 mil­yong halaga ng mga ukay-ukay na nasa 478 balumbon.

Kabilang sa mga nasamsam ng pinagsanib  na operatiba ang mga imported second hand goods na palasak na ibinebenta sa bansa simula pa noong dekada ’90.

Kasama ang mga kinatawan mula sa CIIS at ESS-CPD, agad namang nagsagawa ng imbentaryo sina Customs Examiners Jessie D. Nallos, Danielle Marie H. Saludares at Liane C. Galeno para sa mga nakumpiskang epektos.

Isang warrant of seizure and detention (WSD) ang inisyu para sa nahuling kargamento kaugnay ng paglabag sa Section 118 (g) ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at RA 4653 na mahigpit na nagbabawal ng pag-angkat ng mga pinag­lumaang damit.

Layon ng mga nasabing batas ang bigyang proteksyon ang mga konsyumer lalo na sa harap ng patuloy na banta ng nakakahawang COVID-19 sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Sa isang pahayag, nangako naman si BOC- Port of Iloilo District Collector Ciriaco D. Ugay na mas paiigtingin pa nila ang border protection and control laban sa pagpasok ng mga ipinagbabawal na kalakal sa bansa. (Joel O. Amongo)

324

Related posts

Leave a Comment