16-ANYOS NA MISIS KINATAY SA BAHAY

TADTAD ng saksak sa katawan ang isang 16-anyos na ginang nang matagpuan ng kanyang kinakasama sa kanilang bahay sa Malabon City noong Linggo ng gabi.

Hindi na umabot nang buhay sa Tondo Medical Center ang biktimang si Izzy Andales na isinugod ng kanyang live-in partner na si Jomar Chua.

Batay sa pahayag ni Chua sa pulisya, iniwan niyang natutulog sa kanilang inuupahang tirahan sa No. 21 Leoño St., Brgy. Tañong ang ka-live-in ngunit kaagad ding bumalik dakong alas-9:30 ng gabi.

Nagulat umano siya nang makita ang mga bakas ng dugo sa sahig ng sala kaya’t dali-dali siyang nagtungo sa kanilang silid at doon ay nakita niyang nakatihaya at duguan ang kanyang kinakasama.

Iniutos naman ni Malabon Police chief, P/Col. Albert Barot ang malalimang pagsisiyasat upang makilala ang suspek sa nangyaring krimen.

Bagama’t hindi naman itinuturing na suspek ang kinakasama ng biktima, isasailalim din siya sa pagsisiyasat dahil siya ang unang nakadiskubre sa duguang biktima,

Ayon kay P/SSgt. Diego Ngippol, may hawak ng kaso, sa ngayon ay pagnanakaw pa lamang ang nakikita nilang motibo sa pagpatay bagama’t hindi naman binanggit kung ano ang nawalang mga gamit sa inuupahang bahay ng dalawa. (FRANCIS SORIANO)

495

Related posts

Leave a Comment