ITINANGHAL na bayani ang isang sundalo ng Philippine Army matapos itong ideklarang ‘killed in action’ kasunod ng halos isang oras na pakikisagupa ng Philippine Army sa CPP-New People’s Army na ikinamatay rin ng dalawang communist terrorist sa Brgy. Kapitan Ramon, Silay City, Negros Occidental.
Ayon sa ulat na nakarating sa punong himpilan ng Philippine Army sa Fort Bonifacio, Metro Manila nitong Sabado ng umaga, kinilala ang napatay na sundalo na si PFC Christopher Alada habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawang NPA na napatay rin sa bakbakan.
Nabatid na nagsasagawa ng combat patrol operation ang mga tauhan ng 3rd Infantry Division bunsod ng sumbong ng mga residente hinggil sa presensya ng hinihinalang nalalabing mga kasapi ng Northern Negros Front (NNF) sa bisinidad ng Hacienda Raymunda, sa Barangay Kapitan Ramon.
Bukod sa dalawang bangkay ng CPP-NPA ay nakuha ng mga awtoridad ang isang M16 rifle with bandolier at backpack na may lamang cellphones, hammock, at ponchos.
“As we mourn the death of PFC Alada who paid ultimate sacrifice in pursuit of peace and progress in Negros Island, we vow to continue our aggressive anti-insurgency drive to put this senseless armed conflict to its end. We will make sure that his death will not go in vain. We will not rest on our laurels until we win what PFC Alada and our soldiers are fighting for,” ani M/Gen. Eric Vinoya, commander, 3ID.
“Fighting the insurgency is now everyone’s business. This is our fight, and we will be victorious if we fight as one,” pahayag ni M/Gen. Vinoya.
Ayon kay 3rd Infantry Division Public Affairs Office chief, Captain Cenon Pancito III, isang hot pursuit operation din ang kasalukuyang isinasagawa ng mga sundalo laban sa tumakas na mga rebelde.
Ayon kay Pancito, nangyari ang engkwentro dakong alas-6:00 ng umaga nang masabat nila ang 10 armadong miyembro NPA habang nagsasagawa ng routine combat patrol operation.
Tumagal ng 35 minuto ang bakbakan bago tuluyang tumakas ang mga rebelde sa pangambang abutan ng reinforcement.
Nakuha sa encounter site ang isang M16 rifle kasunod ng combat at clearing operations ng militar laban sa komunistang NPA. (JESSE KABEL)
189 