Angara sa DOH BENEPISYO NG HEALTH WORKERS IBIGAY

IPINALIWANAG ni Senador Sonny Angara sa Department of Health (DOH) na bukod sa special risk allowance, mayroon pang hazard allowance ang lahat ng healthcare workers na nakatakda sa batas bilang frontliners sa paglaban sa COVID-19.

Sa pahayag, tinukoy ni Angara ang Section 21 ng Republic Act 7305 o ang Magna Carta of Public Health Workers, na nagsasabing tuwing may pandemya, mayroong hazard allowance ang health frontliner sa pamahalaan na katumbas ng 25% ng buwang sahod nila sa tumatanggap ng salary grade 19 at pababa at 5% sa health workers na may salary grade 20 at pataas.

Ayon kay Angara, kabilang sa health workers ang nars na dapat bigyan ng hazard allowance gamit ang Magna Carta of Public Health Workers, na inawtor ng kanyang ama na si dating Senate President Edgardo Angara, bilang basehang legal.

Inilutang ni Angara ang hazard allowance sa ginanap na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa paggamit ng pondo ng DOH sa pagbibigay ng SRA sa health workers na hindi naibigay dahil napaso ang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 noong June 30.

Sinabi ni Angara na magpapatuloy ang pagbibigay ng SRA sa lahat ng public health workers, pribado man o pampubliko kahit napaso ang bisa ng Bayanihan 2 kapag mayroon pang state of national emergency na idineklara ni Pangulong Duterte.

“Sinasabi nila na ang SRA nag-expire daw with Bayanihan 2, which we don’t agree with. May liberal approach tayo dito and we have spoken to some legal personalities and nakakalungkot na kung sino pa ang naatasan magbantay at mag-alaga dito sa ating health workers, siya pa ang hindi pabor doon sa pagbigay,” ayon kay Angara.

Maraming health workers ang nagrereklamo hinggil sa pagkakaantala ng pagbibigay ng kanilang benepisyo kabilang ang SRA noon pang nakaraang taon.

Bahagi ng pagkakaantala sa pagbabayad ng SRA ang interpretasyon ng probisyon sa Bayanihan 2 na itong benepisyong ito ay ibibigay sa lahat ng health workers na direktang kumakalinga o may kontak sa pasyente ng COVID.

“This provision has been interpreted to cover only those who are assigned to COVID-19 wards or patients who have COVID-19,” ayon kay Angara.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, kailangan ang batas upang maibigay ang SRA sa lahat ng health workers dahil lumulobo ang nahahawa sa Delta variant.

Pumayag sina Senador Richard Gordon, chairman ng Blue Ribbon at Angara na pabilisin ang naturang batas na kailangan ni Duque pero dapat maging liberal ang interpretasyon ng DOH sa pagbibigay ng SRA dahil sobrang kritikal ang sitwasyon na kinahaharap ng health workers.

“We will fast track the bill that Sen. Gordon wants to file and I will co-author that with him because it is of utmost importance. I thank Sen. Gordon for his dynamism and urgency in wanting to file that bill,” ayon kay  Angara. (ESTONG REYES)

108

Related posts

Leave a Comment