HINDI nakakasuhan ang ilang matataas na opisyal na naging subject ng pag-iimbestiga ng Senado dahil ipinagtatanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang bwelta ni Senador Panfilo Lacson sa patutsada ni Pangulong Duterte na walang nangyayari sa alinmang imbestigasyon ng Senado hinggil sa ilang anomalya sa administrasyon.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson na hindi dapat paniwalaan ng mga Filipino ang pahayag ng pangulo na walang nangyayari sa mga imbestigasyon na ginagawa sa Senado.
“Maraming batas na pinakikinabangan ng taumbayan ang naipasa namin dahil sa mga inquiries at imbestigasyon na isinagawa namin,” ani Lacson.
Ipinayo rin ni Lacson kay Duterte na magbasa ng Saligang Batas upang malaman nito ang magkahiwalay na kapangyarihan ng Senado at Executive Department sa pamamahala.
“Magbasa rin muna siya tungkol sa doktrina ng Separation of Powers at Checks and Balances ng Ehekutibo, Kongreso at Hudikatura bago niya kami pakialaman sa Senado,” ani Lacson.
“Sa halip, asikasuhin niya ang mga kakulangan ng sangay ng gobyerno na kanyang pinamumunuan na hitik sa incompetence at corruption, hindi lang sa pagtugon sa pandemya kundi sa maraming aspeto ng governance,” dagdag ng senador.
Mistulang sinisi rin ng senador ang pangulo dahil ipinagtatanggol niya ang mga inimbestigahang matataas na opisyal sa halip na makasuhan.
“Hindi trabaho ng Senado ang magsampa ng demanda. Trabaho ng Executive Branch iyon. Judiciary naman ang magpapakulong. Mahirap bang i-memorize yan?,” aniya pa.
Puro porma
Nauna rito, pinasaringan ni Pangulong Duterte ang mga senador na puro “postura” lang nang magsagawa ng Senate investigation ukol sa diumano’y anomalya sa pamahalaan.
Sa kanyang pangalawang Talk to the People, Huwebes ng gabi, sinabi ng pangulo na ito ang dahilan kung bakit nagsagawa siya ng televised briefings kasama ang kanyang Cabinet officials.
“May ibang senador diyan, mayroon talagang masabi. After investigation of one or two days of hearing, wala na. Walang rekomendasyon, walang nademanda, walang na-preso. Puro postura lang,” ayon kay Pangulong Duterte.
“‘Wag kayong maniwala sa mga imbestigasyon, imbestigasyon. Kita ninyo, walang nangyari puro lang, ‘We will investigate,'” dagdag na pahayag ng punong ehekutibo.
Kaya ang payo niya sa mga magiging senador ay iwasan ang magpa-postura lang kapag nagsasagawa ng imbestigasyon sa Senado.
“That’s the reason for this program. It keeps people posted on the taxes that they pay and we inform you,” ayon pa rin sa pangulo.
Samantala, kasalukuyan nang nag-iimbestiga ang Senate blue ribbon committee sa pangunguna ni Senator Richard Gordon ukol sa COA report na may kinalaman sa naging paggasta ng ilang ahensya sa panahon ng pandemya. (ESTONG REYES/CHRISTIAN DALE)
163 