Kauna-unahang kaso sa Zambales 2 YEAR OLD BABY MAY DELTA VARIANT

NAKAPAGTALA ng kauna-unahang kaso ng Delta variant ng COVID-19 ang lalawigan ng Zambales.

Ito ang inihayag ni Governor Hermogenes Ebdane Jr., kasabay ng pagtukoy sa 2 taong gulang na sanggol mula sa bayan ng San Antonio.

Ayon sa gobernador, lumalabas na asymptomatic ang sanggol sa kabila ng pagkaka-exposed nito sa kanyang ina, na isang nurse sa ospital sa Iba.

Subalit napag-alaman na hindi na-exposed o negatibo sa coronavirus infection ang ina ng bata na siyang ipinagtataka ng mga awtoridad partikular ng provincial IATF.

“Dahil meron kakaibang tingin doon sa bata, kinuhanan ng specimen, pinadala ‘yung specimen sa Philippine Genome Center noong August 5 at lumabas ‘yung resulta nu’ng August 23 na siya ay positive sa Delta variant,” pahayag ni Ebdane.

“Ang pinagtataka lang ay kung bakit ‘yung bata lang ang merong Delta variant, karamihan kasi sa mga kaso namin dito ay galing sa pami-pamilya,” dagdag pa ng opisyal.

Sa kasalukuyan, ang naturang lalawigan ay may 89 bagong kaso ng COVID-19 na siyang nadagdag sa bilang na ngayo’y 5,832 confirmed cases.

Habang nasa kabuuang 892 ang aktibong kaso, 77 ang bagong naitalang naka-recover habang nasa 10 naman ang nasawi.

Itinuturong dahilan ni Ebdane sa pagsirit ng kaso ng COVID-19 infection ang umano’y pagluwag sa quarantine at pagbubukas muli ng ekonomiya sa Subic Bay Freeport Zone (SBFZ).

Samantala, nasa 52.7% naman sa target population ng provincial government ang nabakunahan na. (JG TUMBADO)

193

Related posts

Leave a Comment