IBABABA sa murang halaga ang mga COVID-19 test kasunod ng pagdami ng mga indibidwal na sumasalang sa pagsusuri upang mabatid kung nahawahan ng virus.
Ayon kay Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, napag-usapan ito sa pinakahuling pulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases.
Gayunman, hindi pa umano maaaring sabihin kung magkano ang magiging presyo ng tests.
“I just can’t announce it yet kung magkano and all. It’s going to be IATF and the concerned agencies, DTI and DOH, to release the policy, pero naibaba nila ‘yung price cap nitong mga test na ito,” ayon pa kay Vergeire.
Sa price cap na itinakda noong 2020, nagkakahalaga ang RT-PCR COVID-19 tests mula P3,800 hanggang P5,000. Ngunit kahit na nasa ganoong presyo, maraming Filipino partikular na ang mahihirap ang hindi kayang magbayad ng naturang halaga.
Bukod dito, bukas din aniya ang DOH sa panukala na magbigay sila ng libreng RT-PCR tests. Katunayan, may ilang lokal na pamahalaan na umano ang nagbibigay ng libreng tests.
Para naman sa antigen test kits, itinakda ito ng pamahalaan sa P960 price cap upang maiwasan ang sobrang paniningil. (RENE CRISOSTOMO)
