BABAENG NANGIKIL KAY MAYOR, KULONG

SORSOGON – Dinakip ng mga pulis ang isang 18-anyos na babae na umano’y nangikil ng pera sa mismong mayor ng bayan ng Juban sa lalawigang ito, noong Martes.

Hindi nakapalag nang posasan ang suspek na si Kristine Kate Rivera, residente ng Housing Project, Barangay Bibincahan, East District.

Ang biktima naman ng insidente ay ang 56-anyos na alkalde ng Juban na si Antonio Alindogan, residente ng Barangay Poblacion.

Batay sa report kay Sorsogon City Police Station (SCPS) commander, Police Major Jeric Don Sadia, nahuli si Rivera sa inilatag na entrapment operation sa Barangay Talisay, Sorsogon City noong Martes, Agosto 31, nang isuplong ng alkalde sa mga pulis.

Ayon sa reklamo ni Alindogan, kinikikilan umano siya ng dalaga ng halagang P100,000 kapalit ng isang voice clip o record na ilalabas umano nito sa publiko kung hindi magbibigay ng nasabing halaga.

Nagkunwaring pumayag ang biktima kasabay ng paghingi ng police assistance ng alkalde.

Narekober mula sa suspek ang entrapment money na halagang P50,000.

Una rito, nakuha umano ng suspek ang contact number ng alkalde dahil minsan nang tinawagan ito upang bentahan ng sasakyan.

Isang araw, tumawag ang suspek at nagpakilala sa biktima na staff umano siya ni “Atty. Cesar Balmaceda” at mayroong ipinabibigay na mahalagang dokumento ang abogado sa kanya.

Sabi pa ng suspek, kung maaari na magkita sila sa isang fastfood restaurant sa lungsod upang maibigay niya ang nasabing mga papeles.

Nang magkita umano ang dalawa sa naturang lugar, nagulat ang biktima dahil napakabata pa nito para maging isang staff.

Agad umanong sumakay sa kanyang behikulo ang dalaga at nang hiningi niya ang mga papeles ay wala itong naipakita.

Sa puntong ito, pinagalitan niya ang dalaga, subali’t lingid sa kaalaman ng biktima ay ini-record nito ang kanilang pag-uusap sa cellphone.

Dito na sinimulan ng suspek na kikilan ang alkalde.

Una itong nag-demand ng P20K, subalit noong Agosto 30, muling tumawag ito at nag-demand ng P100K para hindi umano ilantad ang naturang voice clip.

Tinakot pa nito ang biktima at sinabing “Dako ini na isyu, mayor,” o sa wikang tagalog na naisalin ni Sadia ay “Malaking isyu ito, mayor”.

Nasa kustodiya na ng Sorsogon City Police si Rivera na nahaharap sa kasong robbery extortion. (JG TUMBADO)

169

Related posts

Leave a Comment