INILABAS kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang iba’t ibang dahilan sa pagbagsak ng Philippine Air Force C-130 Cargo plane at Blackhawk helicopter kamakailan.
Kabilang sa mga nakitang dahilan ang material, human and environmental factors sa trahedya sa dalawang aircraft na naganap nitong Hunyo at Hulyo ng kasalukuyang taon.
Ayon kay AFP Spokesperson Colonel Ramon Zagala, ang mga factors na ito ay nagresulta sa “unrecoverable stall” ng C-130 plane.
Gayundin aniya ang nangyari sa pagbagsak ng Sikorsky S-70i helicopter sa Tarlac.
Batay sa imbestigasyon, maaring nakaapekto ang lagay ng panahon sa mga instrumento na sinabayan ng “spacial disorientation” o “vertigo” ng piloto na nagresulta sa pagbagsak nito.
Giit ni Zagala, ang pakay ng imbestigasyon alinsunod sa “international practice” ay alamin ang naging sanhi ng aksidente at hindi ang maghanap ng masisisi.
Ito ay para maiwasan ang mga kahalintulad na aksidente sa hinaharap sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga pagbabago sa mga alituntunin at dagdag na pagsasanay sa mga piloto.
Una nang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa House budget hearing ng mga mambabatas sa proposed P297,136,636,000 billion budget ng Department of National Defense na maraming factors ang nagbunsod sa magkakasunod na trahedya. (JESSE KABEL)
