3 TIKLO SA KAMPANYA VS DROGA NG PNP BICOL

ANG malawakang kampanya kontra droga ang isa sa mga binibigyang prayoridad ng PNP Bicol sa pagnanais nitong gawing mas ligtas at progresibo ang pamayanan para sa mga Bicolano.

Nagresulta ito sa tatlo na namang drug personality na nadakip ng mga awtoridad sa pinakahuling anti-narcotics operation na kanilang inilunsad.

Ayon kay Major Malou Calubaquib, PNP-PRO5 spokesperson, tatlong umano’y mga tulak ng ilegal na droga ang dinampot ng pulisya sa ikinasa nitong buy-bust operations.

Sa Pigcale, Legazpi City, bandang alas-3:44 ng hapon, tiklo sa mga tauhan ng Albay PPO ang 50-anyos na suspek sa katauhan ni Jose Gary Reyes Austero matapos itong hayagang magbenta ng hinihinalang shabu sa poseur buyer ng PNP kapalit ang halagang P3,000. Si Austero ay kabilang sa Database on Illegal Drugs ng PNP.

Hindi rin nakapalag ang 22-anyos na binatang si Ruben Montas y Libaste alyas “Ben” nang kumagat sa bitag ng mga operatiba ng Sorsogon PPO dakong alas-7:30 ng gabi sa Purok Rosal, Brgy. Cumadcad, Castilla, Sorsogon.

Binentahan umano ni Montas ang poseur buyer ng isang pakete ng marijuana sa halagang P500 na naging hudyat ng pag-aresto sa kanya ng mga awtoridad.

Bukod dito, nakuha rin sa kanya ang 11 pang selyadong pakete ng plastic na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana na may timbang na 10 gramo at street value na P8,000.

Ang nasabing tulak ay nasa listahan din ng Provincial Recalibrated Priority Target List.

Sa Brgy. San Felipe, Naga City, bandang alas-8:50 ng gabi, nadakip ng mga operatiba ng Naga CPO ang 56-anyos na si Ernesto Galicia y Villaraza, umano’y drug pusher, nang magbenta ng isang pakete ng shabu sa poseur buyer kapalit ng P500 halaga.

Bukod sa buy-bust item, nakumpiska rin sa kanya ang tatlo pang selyadong pakete ng plastik na naglalaman din ng shabu.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Sa usaping ilegal na droga, ang PNP Bicol at PDEA RO5 ay nananatiling malakas ang ugnayan upang bigyan ng solusyon ang suliraning ito. Makakaasa ang komunidad sa pagiging alerto ng pulisya upang tugisin at iharap sa korte ang sangkot sa pagpapalaganap ng ilegal na droga.

“Kayo ay binigyan ng ating pamahalaan ng pagkakataon na magbagong buhay, ‘wag sana ninyong sayangin ito at muling itaya ang sana’y magandang kinabukasang naghihintay sa inyo kapalit ng kakarampot na salapi. Marami pang paraan upang kayo ay kumita ng pera, mas mainam na maglagay kayo ng pagkain sa inyong hapag kainan na alam n’yong sa mabuti at marangal na gawain ninyo ito nakuha. Tama na ang pagiging alipin ng malalaking tao na ginagawa kayong patibong at panangga sa kanilang ilegal na gawain,” pahayag ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, RD, PRO5. (JESSE KABEL)

221

Related posts

Leave a Comment