QUEZON – Patay ang magkakapatid na tatlong paslit nang makulong sa nasunog nilang bahay sa bayan ng San Francisco sa lalawigang ito, noong Biyernes ng hapon.
Ayon sa report ng San Francisco Police, pawang dead on arrival sa ospital ang magkakapatid na sina Shakera Villa Blagon, 5; Limbert Villa Blagon Jr., 3, at ang isang taong gulang na bunso na si Leonel Villa Blagon.
Batay sa imbestigasyon, iniwan ng kanilang mga magulang ang tatlong paslit sa kanilang bahay sa Barangay Ilayang Tayuman para sa kanilang trabahong pagkokopra ng niyog sa kalapit na bukid.
Ngunit habang nasa loob ng bahay ang tatlo, nakakuha ng lighter sa altar ang batang si Shakera at pinaglaruan ito.
Nasindihan nito ang nakatambak na tuyong dahon ng buli sa loob dahilan para masunog ang bahay.
Hindi na nakalabas ang tatlo at nalapnos ang katawan na nagresulta sa pagkamatay ng mga ito. (NILOU DEL CARMEN)
205 