4 OBRERO NALIBING SA LANDSLIDE

PATAY ang apat na construction worker makaraan silang matabunan ng gumuhong lupa sa ginagawang construction site sa bayan ng Ambaguio, Nueva Vizcaya kahapon.

Kapwa wala nang buhay nang mahugot sa lupa ang mga biktima na sina Christopher Padua, 38 anyos, ng Sta. Rosa, Bayombong; Rafael Villar, 42; John Retamola, 25, kapwa ng Ibung, Villaverde;  at Carlos Tome,  ng Purok 7, Bonfal East, Bayombong.

Ayon sa report ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nangyari ang trahedya sa kabundukang bahagi ng Sitio Naduntog, Barangay Tiblac pasado alas-8:30 ng umaga ng Sabado, Setyembre 4, 2021.

Una rito, nagtungo sa lugar ang mga biktima at iba pang kasamahan upang magbungkal sa ilalagay na concrete slope protection wall para maiwasan ang insidente ng landslide.

Habang naghuhukay ng pundasyon ng concrete wall ang mga biktima ay biglang gumuho ang malaking parte ng lupa mula sa itaas at direktang tumabon sa apat.

Kaagad namang rumesponde ang mga kasapi ng Ambaguio Police Station, BFP, MDRRMO at Tam-an rescue team para sa retrieval operation.

Sa paghuhukay sa katawan ng mga biktima ay natamaan ng backhoe ang tatlo at napugutan pa ng ulo ang isa sa mga ito.

Nangako naman ang may-ari ng lupa sa naulilang pamilya ng mga nasawi na sasagutin nito ang lahat ng gastos. (JG TUMBADO)

190

Related posts

Leave a Comment