BATANGAS – Pahirapan ang pulisya sa pagkilala sa isang salaring bumaril at nakapatay sa isang negosyanteng alahero sa Barangay Sampaloc sa bayan ng Talisay.
Sa paunang imbestigasyon ng Talisay Municipal Police, isang tama ng bala sa ulo ang agad na ikinamatay ng biktimang kinilalang si Victoria Balba y Malabanan, na siya ring may-ari ng jewelry shop na pinasok ng suspek.
Base sa salaysay ng mga nakasaksi sa pangyayari, bandang alas 10:45 ng umaga pumasok sa jewelry shop ang suspek na naka face mask. Nagpanggap umanong bibili ng alahas na pangregalo sa
kaarawan ang suspek nang bigla na lang bumunot ng baril saka itinutok sa ulo ng biktima at pinaputukan.
Mabilis namang tumakas patungo sa direksyon ng Laurel, Batangas ang susek gamit ang isang hindi naplakahang motorsiklo.
Pinag-aaralan na ng mga awtoridad ang kuha ng cctv footages na posibleng magtuturo sa pagkakakilanlan ng suspek. (CYRILL QUILO)
