‘Di muna tatanggap ng OPD patients OSPITAL SA BINANGONAN, PUNO NA

RIZAL – Tuluyan nang nagdeklara ng full capacity ang pamunuan ng Margarito A. Duavit Memorial Hospital sa bayan ng Binangonan bunsod nang patuloy na pagdami ng bilang ng mga pasyenteng positibo sa nakamamatay ng COVID-19.

Sa isang anunsiyo, sinabi ni Binangonan Municipal Administrator Russel Callanta Ynares, pansamantala din nilang ipinahinto ang pagtanggap ng pasyente sa kanilang Out-Patient Department (OPD) upang matutukan ang dumaraming bilang ng mga pasyenteng may severe cases.

Aniya, literal na puno na ang kanilang pasilidad maging sa mga hallway ng pampublikong ospital. Wala namang itinakdang petsa kung kailan muling bubuksan ang OPD ng nasabing pagamutan lalo pa aniya’t maging ang kanilang emergency rooms ay wala nang pagsidlan ng mga pasyente.

Panawagan pa ni Ynares sa mga residente ang ibayong pag-iingat dahil sa pagsulpot ng mas mabagsik na mutated coronavirus strain na higit na kilala bilang Delta variant.

Bunsod nito, hinikayat din ng administrador ng bayan na tumungo muna sa ibang pasilidad ang non-COVID cases. (CYRILL QUILO)

561

Related posts

Leave a Comment