LIBO-LIBONG BALA NG AK-47 PARA SA CPP-NPA, NASABAT

PINAPURIHAN ni Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang pwersa ng gobyerno na nakasabat ng libo-libong bala at pagkain para sa New People’s Army, at pagdakip sa tatlo katao kabilang ang isang opisyal ng barangay.

Ayon kay Police Regional Office-CARAGA chief, Police Brig. Gen. Romeo Caramat, nasabat nila ang mga suspek na sina Ferdinand Aque Dagium, 27, barangay kagawad sa Agusan del Sur; kapatid niyang si Rolando Aque Dagium, 34; at Marvin Pepito Merencillo, 26-anyos.

Nakuha sa kanila ang 4,800 piraso ng bala para sa 7.62 AK 47, dalawang pirasong rifle grenade, tatlong yunit ng motorsiklo at samu’t saring mga pagkain.

Naaresto ang mga suspek sa operasyon ng Regional Intelligence Division 13, Butuan City Police Station 4, Butuan City Mobile Force Company, Butuan City Intelligence Unit, Butuan City Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit, gayundin ng mga tropa mula sa Philippine Army’s 65th at 75th Infantry Battalion sa Purok 1B, Barangay Pianing.

Naglatag ng checkpoint ang pulisya at militar sa lugar matapos makatanggap ng ulat patungkol sa aktibidad ng mga rebelde.

“Maraming buhay ng sibilyan at security forces ang nasagip at maraming karahasan ang napigil sa pagkakaharang ng libo-libong bala sa Butuan City na dapat sana ay mapapasakamay ng CPP-NPA-NDF sa Mindanao,” wika ni P/Gen. Eleazar.  (JESSE KABEL)

262

Related posts

Leave a Comment