IKINAAALARMA sa lalawigan ng Quezon ang pagkaipon ng mga nasawi umano sa COVID-19 sa isang ospital na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan.
Base sa larawang ipinadala sa SAKSI Ngayon, makikita ang mga bangkay ng mga nasawi umano sa coronavirus disease sa Quezon Medical Center na nakahilera sa pasilyo.
Makikita sa larawan na ang mga bangkay ay nakasilid sa body bags sa ground floor ng annex building ng QMC.
Ayon sa ilang nakakita, nakababahala ang kalagayan sa nasabing pampublikong pasilidad, kung saan sa unang palapag na mismo ng ospital nakalagak ang mga bangkay na katabi ang mga silid na
ginagamit para sa CT Scan, 2D Echo, blood bank. Tanaw rin mula 2nd floor ng ospital ang mga bangkay na nasa body bags.
Nabatid na nasa 2nd floor ang stay-in quarters ng mga nurse na naka-duty at ang silid ng mga nagpopositibo at nagpapagaling sa COVID-19.
Maging sa ikatlong palapag ng ospital ay kita ang pasilyong kinalalagyan ng mga bangkay. Dito rin matatagpuan ang mga opisina ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), Department of Health (DOH) at ilan pang tanggapan.
Itinuturing namang kahihiyaan at dagok sa pangasiwaan ng ospital, lalo na sa lokal na pamahalaan ng probinsya ng Quezon ang nasabing pangyayari.
Base sa DILG-DOH Joint Memorandum Circular No. 1 Series of 2020, hindi maaaring patagalin ng higit labindalawang oras ang labi ng isang taong pumanaw sa COVID-19 bago isagawa ang pagsunog o pag-cremate dito dahil lubos itong nakapanghahawa. Sakaling walang kamag-anak ang kukuha sa mga labi, ang mga lokal na pamahalaan ay magsasagawa ng agarang pagproseso ng libing o cremation.
Ayon sa ulat, nagpatawag ng pulong si Gov. Danilo Suarez kaugnay ng sitwasyon sa Quezon Medical Center ngunit hindi malinaw kung nakapaglatag ng malinaw at konkretong solusyon sa nasabing pulong.
Base sa pinakahuling datos ng probinsya ng Quezon, as of 10:00 am, September 13, nakapagtala ng 44 bagong COVID cases sa lalawigan.
Sa kabuuan ay umabot na sa 18,720 ang gumaling sa sakit habang 1,083 naman ang nasawi dahil sa COVID-19 sa probinsya ng Quezon.
Sinisikap pa ng SAKSI Ngayon na makakuha ng reaksyon ng mga lokal na pamahalaang nakasasakop sa nasabing usapin. (SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
