NABITAG sa operasyong ikinasa nang pinagsamang mga tauhan ng Camarines Norte Police Provincial Office (CN PPO) at Regional Drug Enforcement Unit 5 ang isang umano’y miyembro ng drug group at kabilang sa listahan ng PNP-PRO5 Regional Recalibrated Data Base on Illegal Drugs ng Bicol.
Ang suspek ay kinilalang si Van Valenzuela y Velasquez, 45-anyos at residente ng Purok-5, Brgy. Parang, Jose Panganiban, Camarines Norte.
Ayon sa ulat na isinumite kay Bicol PNP Regional Director, Police Brig. General Jonnel C. Estomo ng Camarines Norte PPO, ang high vale target ay kasapi ng Gutierrez drug group na kumikilos sa lalawigan.
Matapos ang ilang linggong pagmamanman, naglatag ng anti-narcotics operation laban sa suspek.
Nabatid na positibo nitong binentahan ng isang pakete ng hinihinalang shabu ang poseur buyer na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Nakumpiska rin sa suspek ang 23 pang maliliit na selyadong plastik na naglalaman ng umano’y shabu.
Ang dokumentasyon, pagmamarka at imbentaryo ng nakuhang mga ebidensya ay sinaksihan ng mandatory witnesses.
Ang suspek ay nasa kustodiya na ng Jose Panganiban MPS at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Hangga’t alam nating mayroon pang natitirang mga lulong at sangkot sa pagbebenta ng ano mang uri ng ipinagbabawal na gamot ay ‘di rin tayo titigil sa ating kampanya upang ang mga ito ay dakpin. Pagsisikapan ng PNP Bicol sa abot nang makakaya nito na tuldukan na ang talamak na presensya at pagpapalaganap ng droga sa rehiyong ito. Sa panahon ng pandemya, solusyon at aksyon ang ating nais, at iyan ang ibibigay natin sa ating mamamayan,” pahayag ni P/BGen. Estomo.
(JESSE KABEL)
166
