BEBOT HULI SA OVERPRICED COVID VACCINES

SWAK sa selda ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Cebu City ang isang babae na umano’y nagbebenta ng overpriced na Tocilizumab, isang gamot para sa mga may severe COVID-19.

Kinilala ni NBI Officer-in-Charge (OIC) Director Eric B. Distor ang inarestong suspek na si Cherry Jalaron, nasa hustong gulang at nakatira sa Brgy. Guadalupe, Cebu City.

Nabatid na unang hiniling ng Office of the Presidential Adviser for Visayas (OPAV) sa NBI na tutukan ang isang Karen Go na sangkot sa pagbebenta ng Tocilizumab sa Cebu City sa napakataas na halaga.

Nagsagawa ng surveillance operation ang NBI hanggang sa magpositibo ang ulat. Pagkaraan ay naglatag ng buy-bust operation ang mga operatiba hanggang sa isang ahente ang nakabili ng isang vial ng gamot sa halagang P97,000 sa Brgy. Guadalupe noong Setyembre 13.

Hindi na nakapaag ang suspek nang arestuhin ng mga pulis.

Itinanggi naman ni Jalaron na siya ang hinahanap na si Karen Go. Iginiit niyang sekretarya lamang siya ni Go at inutusan siya nito na ideliver ang order na gamot.

Ayon sa NBI, P20,581 lamang ang presyo ng bawat vial ng Tocilizumab na itinakda ng pamahalaan.

Sinampahan ng patung-patong na mga kasong paglabag sa RA 9502 (Cheaper Medicines Act), RA 7581 (Price Act), at Article 8 (Conspiracy) ng Revised Penal Code, at RA 10175 (Cybercrime Prevention Act) ang suspek na si Jalaron at ang nakalalaya pang si Go. (RENE CRISOSTOMO)

384

Related posts

Leave a Comment