Sangay ng courier company hinoldap, teller sugatan

CAVITE –Mahigit sa P11,000 halaga ng cash at cellphone ang tinangay ng isang motorcycle rider matapos holdapin ang isang sangay ng LBC Express sa Dasmariñas City noong Biyernes ng umaga

Pinaghahanap ng pulisya ang isang lalaking sakay ng isang motorsiklo, nakasuot ng kulay itim na jacket na maong at tinatayang 30 hanggang 35 anyos, na tumakas matapos ang insidente.

Ayon sa salaysay ni Mary Rose Sidiangco, 24, teller ng LBC Express sa Aguinaldo Highway, Brgy. Zone 4, Dasmariñas City, kay Corporal Aaron John Golo ng Dasmariñas City Police Station, nag-iisa siya sa kanilang opisina nang pumasok ang suspek at nagdeklara ng holdap dakong alas-7:45 ng umaga.

Tinutukan siya ng patalim ng suspek at puwersahang pinabuksan ang vault kung saan nila itinatago ang kanilang cash.

Matapos nakuha ang cash ay nagtanong pa ang suspek kung saan nila inilalagay ang ibang pera.

Nang hindi sumagot si Sidiangco, hinablot ng suspek ang kanyang buhok at sinaksak sa sikmura saka inutusan sa pumasok sa CR at inisprayan ng masangsang na amoy dahilan upang mawalan ito ng malay.

Tumakas ang suspek tangay ang P11,992.75 cash, at cellphone, lulan ng motorsiklo patungo sa direksiyon ng Aguinaldo Highway, Salitran Road.

Isinugod naman ang biktima sa De La Salle University Medical Center dahil sa saksak sa katawan. (SIGFRED ADSUARA)

257

Related posts

Leave a Comment