SA IBA IBINUNTON ANG KAPALPAKAN

ANG pag-amin ni vaccine czar Carlito Galvez kaugnay ng kapos nang supply ng bakuna ang mismong patunay na puro press release lang ang pirmi niyang sinasabi sa tuwing haharap siya para mag-ulat sa lingguhang ‘Talk to the Nation’ ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ilang buwan na nga ba niyang ibinibida ang paparating na supply? Oo nga’t may dumarating pero ang sigurado, malayo ito sa kanyang ibinibida.

Pero sa halip na kastiguhin, sinalag – gaya ng inaasahan – pa rin siya ng Pangulo, sukdulang isisi sa iba ang suliraning dapat sana’y pinagtutuunan ng atensyon.

Aniya, hindi patas ang distribusyon ng COVID-19 vaccines sa iba’t ibang mga bansa sa mundo, sabay bira sa mga bansang may supply ng bakuna.

Sinabi ng pangulo, labis na nagdurusa ang mahihirap na bansa dahil sa tinatawag niyang “man-made drought of vaccines.” Sabi naman ng mapanuring Pilipino, mali dahil ang problema sa Pilipinas ay ang palpak na pagtugon ng administrasyon, at pinalala pa ng kabi-kabilang katiwaliang kinasasangkutan ng mga mismong taong itinalaga niya sa pwesto.

Lahat na lang inaaway ng Pangulo. Lahat ng may puna binibira, binebengga.

Sa isang banda, mabisa ang kanyang estilo dahil nagagawa nitong ilihis ang tunay na isyu – ang palpak na pandemic response at mga walang pagsidlang pagsasamantala sa gitna ng krisis sa kalusugan.

May mga katangiang dapat mayroon ang isang tunay na lider. Nagtutuwid ng mali, hindi promotor. Ang mga may bulilyaso, dapat kinakastigo, hindi sinasalag.

Ilang ulit na ba niyang ipinagtanggol ang mga sumablay na itinalaga niya sa pwesto? Hindi na mabilang kung ilan.

Sa mga katiwaliang naganap sa gitna ng pandemya, ang katwiran ng Pangulo ay ang krisis mismo. Aniya, ‘di na kailangang sundin pa ang proseso dahil may emergency.

Kung hahayaan lang na palagi na lang idadahilan ang emergency, malamang sa hindi ay palalabasin na lang na may emergency sa bawat sablay ng gobyerno.

Walang katapusang katiwalian sa gitna ng pagdurusang ‘di naman natugunan.

189

Related posts

Leave a Comment