IPINANUKALA ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. ang pagbabakuna sa mga menor de edad o 12 hanggang 17 taong gulang laban sa COVID-19 sa kalagitnaan ng Oktubre.
Sa Talk to the People ni Pangulong Duterte, sinabi ni Galvez na ang Pilipinas ay mayroong 23.75 milyong bakuna na naka-stock habang may karagdagang 20 milyon naman ang inaasahan na darating sa unang linggo ng Oktubre.
“We are proposing to open the vaccination for children by mid October, kasi by mid October may additional pa tayong 20 million na dadating plus ‘yung 23 million, kayang-kaya na natin ma-vaccinate ‘yung 12 million na bata, na 12 to 17,” ayon kay Galvez.
“Pero ang recommendation natin, mauna muna po ‘yung may comorbidities at saka po ‘yung mga anak po ng mga healthcare workers,” dagdag na pahayag nito.
Nito lamang Setyembre 19, inaprubahan ng panel of experts ng pamahalaan ang pagbabakuna ng COVID-19 para sa mga kabataan.
Nauna rito, sinabi ni Galvez na plano na ring bakunahan ang general public sa susunod na buwan.
“By November po, or even earlier, pwede na po nating i-open ang general public,” ani Galvez. (CHRISTIAN DALE)
141 