UMATRAS DIN PERO…

NOONG Martes isinulat ko rito sa ating pitak ang ­posibleng gawin ni ­Pangulong Rodrigo Duterte sa usapin ng face shield na ginawang “simbolo ng katiwalian” sa ­kasalukuyang administration ng mga Pinoy… alisin na ang face shield o panindigan na lang.

Bago n’yan marami ang nanawagan na alisin na ang face shield dahil wala namang patunay na nakatutulong ito para maiwasan ng mga taong nagsusuot nito na hindi sila mahahawa sa COVID-19 na in-export ng isang Chinese national sa Pilipinas noong 2020.

Noong Hunyo inatras ni Digong ang pagpapasuot ng face shield dahil dagdag gastos lang ito sa mga tao pero agad din niyang binawi kaya mandatory pa rin ang pagsusuot ng face shield hanggang sa pumutok ang pamamakyaw ni dating PS-DBM Undersecretary Lloyd Christopher Lao ng face shield sa Pharmally Pharmaceutical Corporation na ang isa sa may-ari ay ang Chinese economic adviser ng Pangulo na si Michael Yang.

Dahil sa usaping ‘yan, ginawang ‘symbol of corruption’ ang face shield na posibleng makaapekto sa kandidatura ni Digong sa 2022 bilang bise presidente at maging sa kanyang mga kandidato lalo na sa kanyang presidential candidate.

Kung hindi siguro ­over­-acting, baka hindi lang face shield ang ipinapasuot sa atin kundi personal protective equipment (PPE) ng ­gobyerno na mas mahal at hindi makahinga ang mga tao.

Nagulat na lang tayo na biglang nagbago na ulit ang isip ng Pangulo at sinunod daw nito ang rekomendasyon ng kanyang mga adviser na hindi na gawing mandatory ang pagsusuot ng face shield sa open space o open air.

Pero noong Hunyo, binawi niya ang kanyang desisyon na tanggalin na ang face shield dahil sa rekomendasyon ng kanyang mga adviser lalo na ang Inter-agency task force (IATF)…ang gulo no?

Kahit papaano ay hindi puwersahan ang pagsusuot ng face shield sa mga open space pero kailangang bumili pa rin ng face shield ang mga tao kapag pumasok sila sa mga lugar na maraming tao, enclosed places at close contact.

Hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay nasa open air ang mga tao at hindi nila ma­iiwasan ang crowded places tulad ng mga pampasaherong sasakyan, malls na enclosed place at makipag-usap nang malapitan kaya bibili at bibili pa rin sila ng face shield.

Hindi tuloy maiwasang isipin ng marami na baka pinauubos muna ang stock sa face shield na inimport ng kung sino mang importer sa China, kaya hindi muna itinodo ang pagbawi sa puwersahang pagpapasuot ng face shield.

Baka merong nanikluhod na huwag munang tanggalin nang tuluyan ang face shield kahit tayo lang sa buong mundo ang nagsusuot nito, dahil marami pa silang stock na kailangang maubos muna dahil kung hindi ay malulugi sila.

Ang tingin ko baka bago mag-eleksyon ay tuluyan nang tanggalin ang protocol sa face shield para mawala o mabura ang simbolo ng katiwalian sa kasalukuyang administrasyon.

Tiyak na maraming tao ang susugod sa mga presinto sa May 9, 2022 para bumoto at kapag suot-suot pa rin nila ang face shield na simbolo ng katiwalian ay madedehado ang kandidatura ni Digong at lahat ng sino mang kandidato nito sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno.

Kaya para hindi ito mangyari, aalisin na ang face shield bago ang halalan o baka isang buwan bago ang halalan dahil ang mga Pinoy naman ay madaling makalimot at mapagpatawad.

Pero kung hindi nila tatanggalin ang face shield na isa sa pinagkakagastusan ng mga tao, bago ang eleksyon ay pupulutin sa ­kangkungan ang mga kandidato ng ­administrasyon.

180

Related posts

Leave a Comment