MAKABALIK na nga kaya ang MVP Group na pinangungunahan ni businessman-sportsman Manny V. Pangilinan sa PBA na anim na taon nang dinodomina ng RSA Group na pag-aari ni Ramon S. Ang ng San Miguel Corp.?
Sa simula ng kasalukuyang Philippine Cup semi-bubble sa Don Honorio Ventura University Gym sa Bacolor, Pampanga hanggang sa matapos ang elimination round ng 12 PBA teams, tila nakatakdang bumalikwas ang koponan ng Talk ‘N Text Tropang Giga sa matagal nitong kabiguang makakuha kahit isang titulo, na huling nalasap ng koponan anim na taon na ang nakalilipas nang ang Tropang Texters ni coach Jong Uichico ay makopo ang Commissioners Cup laban sa Rain or Shine ni coach Yeng Guiao.
Lumabas na top-seed ang Katropa makaraan ang 11 elimination games ng 2021 All-Filipino na may pinakasuperyor na 10-1 panalo-talong record. At para namang pinagtitiyap ng pagkakataon na ang pangalawang team ng MVP Group na Meralco Bolts ang siya ring pangalawa (9-2) ngayon sa team standings.
Ang lahat ng tatlong koponan na pag-aari ng MVP Group, kabilang ang NLEX Road Warriors ay kasama sa walong team na nakapasok sa playoffs, patunay na talagang nakahanda at determinado ang grupo na makawala sa pagkakasakal ng mahigpit nilang kalabang pangkat.
Tatlong teams din ang nakapasok sa grupo ni RSA – nagtatanggol na kampeong Barangay Ginebra, limang beses na All-Filipino champ San Miguel Beer at Magnolia Hotshots Pambansang Manok – bagama’t lahat sila, partikular ang Gin Kings, ay nahirapang makuha ang kanya-kanyang puwesto sa quarterfinal round.
Ang Gin Kings ni coach Tim Cone ay kinailangang dumaan pa sa elimination game kontra Phoenix Super LPG bago napabilang sa Magic 8. Nakahinga naman ng maluwag si Cone noong Sabado nang talunin ng Ginebra ang Phoenix, 95-85, para manatiling buhay ang kanilang kampanyang maipagtanggol ang korona sa Philippine Cup ng 46th Season ng PBA sa Bacolor, Pampanga.
Ang naturang panalo ay pampito ni Cone at ng Barangay at panlima lamang sa 12 pakikipagharap para maiwasan ang kamalasang sinapit ng kanilang sister team sa 2005 Fiesta Conference, nang walisin sila ng Red Bull ni coach Yeng Guiao sa best-of-three series wild card phase elims, ayon sa rekord ni PBA chief statistician Fidel Mangonon.
Napakatamis ng pagwawagi para sa Kings lalo’t hindi nakapaglaro si Japeth Aguilar (MCL sprain) at Scottie Thompson (health and safety protocols).
Bukod sa anim na koponang pag-aari ng RSA at MVP groups, dalawa pang independiyenteng teams– NorthPort at Rain or Shine — ang magtatangkang makalusot sa round of 8 at makakuha ng upuan sa semifinal round.
Nagsimula na ang quarterfinal round kahapon sa paghaharap ng Hotshots at Elasto Painters, at Beermen laban sa Batang Pier sa kanilang bukod na best-of-three series sa DHVU Gym.
