MAGO PINAHAHANAP SA NBI

NAGPASAKLOLO na ang Senate Blue Ribbon Committee sa National Bureau of Investigation (NBI) upang matukoy ang kinaroroonan ni Pharmally Pharmaceutical Corp. executive Krizle Mago.

“We’ve also reached the NBI, asked the NBI to take a look at where she probably is. That is Senate President Vicente Sotto’s call and so far wala pa kaming balita,” saad ni Senador Richard Gordon.

“I hope that she’s safe. I do so every night in my prayers,” dagdag nito.

Kinumpirma rin ni Gordon na nakipag-ugnayan na sila sa St. Paul University Philippines sa Tuguegarao City, Cagayan province, ang alma mater ni Mago upang agad itong mahanap.

“I have sent personal messages because kinakabahan din ako na baka masaktan yung bata e. By the way, she is no longer a bata but still we’re dealing with big money here,” diin ni Gordon.

Matatandaang inamin ni Mago sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon ang pagdodoktor ng production certificates ng mga face shields na idineliber sa Department of Health.

Na-stress kaya nagtago

Samantala, naniniwala ang isa sa mga tinutumbok na personalidad sa likod ng maanomalyang transaksyon kaugnay ng sinasabing overpriced procurement deal na sobrang “stress” ang nagtulak kay Krizle Grace Mago para umiwas muna sa publiko.

Sa pagtatanong ni House committee on good government and public accountability chairman Rep. Michael Aglipay, sinabi ni Mohit Dargani na tumatayong corporate secretary at treasurer ng Pharmally na masyado lang aniyang na-stress si Mago kaya naman pinili nitong maging “incommunicado.”

“On my personal opinion I think she’s stressed due to the pressure on what happened last week when she got pressured by the Senate… but that’s just my opinion,” ani Dargani.

Paliwanag pa ni Dargani, masyado aniyang natakot si Mago dahil sa kinahantungan ng tumatayong boss umano nilang si Linconn Ong na ipinakulong ng Senado sa Pasay City Jail makaraang tumangging sagutin ang tanong ng mga senador kaugnay ng halagang ipinahiram ni dating presidential economic adviser Michael Yang sa Pharmally.

“I think when she saw what happened to Mr. Linconn Ong, one of her bosses, I think that really frightened her and put her in a position to just keep on saying yes”.

Gayunpaman, iginiit niyang hindi pa sila nakakapag-usap ni Mago mula nang aminin nito sa Senado ang umano’y pag-swindle ng Pharmally sa gobyerno. Sa nasabing pagdinig sa Senado, idinetalye ni Mago kung paano nila isinagawa ang panloloko – mula sa pagtatayo ng kumpanya hanggang sa pagbili ng mga dispalinghadong medical supplies na ibinenta ng nasabing kompanya sa gobyerno.

Base sa mga dokumentong naiprisinta sa mga pagdinig ng Senado at Kamara, lumalabas na pinakamalaki ang supply contracts na iginagawad ng Procurement Service of Department of Budget and Management (PS-DBM) sa Pharmally na mayroon lamang paid-up capital na P600,000. (DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)

379

Related posts

Leave a Comment