9 QCPD OFFICIALS SIBAK SA ILLEGAL GAMBLING

SIYAM na opisyal mula sa hanay ng Quezon City Police District (QCPD) ang sinibak makaraang matuklasan ang patuloy na operasyon ng mga iligal na pasugalan sa kani-kanilang teritoryo.

Pagtitiyak ni QCPD Director Brigadier General Antonio Yarra, binigyan niya ng pagkakataon ang mga nasabing opisyal na linisin ang kani-kanilang nasasakupan bilang tugon sa direktiba ni National Capital Region Police Office director Major General Vicente Danao.

Ayon kay Yarra, ang pagsibak sa siyam na opisyal na hindi pa niya pinangalanan ay kinabibilangan ng dalawang station commanders at pitong Police Community Precinct Commanders bunsod na rin sa ipinatutupad na ‘one- strike policy’ sa lahat ng station at unit commanders na mapapatunayang may koneksyon o bigo sa kampanya laban sa lahat ng uri ng illegal gambling.

Kasabay nito, inaresto naman ng Novaliches Police Station (PS-4) ang 13 kataong sangkot sa online sabong, habang pito naman ang nahuli ng Cubao Police Station (PS-7) sa loob ng Q-Mart Market, sa Barangay E. Rodriguez sa Cubao.

Tatlo naman ang nadakma ng Galas Police Station (PS-11) habang nagsusugal sa E. Rodriguez Sr. Blvd. Barangay Damayang Lagi samantalang tatlo pa ang nadakma sa Agno Extension sakop ng Tatalon.

Dinakma naman ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ang tatlo kataong naaktuhan na nagto-tong its sa Barangay Krus na Ligas, kasabay ng pitong iba pang huli naman dahil sa kara krus. Sa bandang Batasan Hills, lima ang arestado sa kara krus pa rin. (LILY REYES)

332

Related posts

Leave a Comment