NASABAT ng mga tauhan ng Philippine Drug enforcement Agency at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) ang 1.1 kilograms ng umano’y shabu na tinatayang P7,527,600 ang street value, mula sa dalawang air parcels sa FedEx International Cargo Warehouse sa NAIA Complex.
Nadiskubre ang kontrabando sa pamamagitan ng K-9 sweeping at X-ray scanning kaya natunton ang unang bahagi na naglalaman ng dalawang
plastic packs ng 504 grams ng white crystalline substance ng illegal drugs.
Habang ang ikalawang parcel ay naglalaman ng dalawang plastic packs na may 603 grams ng illegal drugs na itinago sa mga damit.
Ayon kay PDEA Information Office Director Derick Carreon, ang mga bagahe ay idineklarang “clothes and slippers” na nagmula sa Malaysia.
Nasa kustodiya na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mahigit isang kilong shabu na nasabat sa FedEx warehouse sa Pasay City.
Inihahanda na ng PDEA ang mga kasong posibleng kaharapin ng mga sangkot sa pagpupuslit ng ilegal na droga kasunod ng isasagawang case profiling.
Posibleng maharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002 (Republic Act No. 9165) at Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) matapos na magpositibo ang mga kontrabando sa field test at chemical analysis para methamphetamine hydrochloride o shabu.
Ayon kay Director III Christian O. Frivaldo, PDEA Task Group Commander, nagsasagawa na sila ng pagsisiyasat para tukuyin ang shippers at tunay na consignee ng nasabing bagahe. (JESSE KABEL)
531 