NASORPRESA ang isa sa matagal nang minamanmanan na drug personality sa bayan ng Virac, Catanduanes nang ito ay silbihan ng search warrant ng mga tauhan ng ng PNP-PRO5 Catanduanes Police Provincial Office.
Dakong 7:01 ng umaga nang pormal na isilbi ang search warrant para sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na ipinalabas ng Virac, Catanduanes, laban sa suspek na si Ma. Salve Ferrer Gonzales alyas “Ambe/Bebe”, 37-anyos, walang trabaho at residente ng P-1, Barangay Palta Small ng nasabing bayan.
Nakumpiska sa suspek ang siyam na pakete ng umano’y shabu na may timbang na 14.928 grams at a P101,510.40 ang street value.
“Ang PNP Bicol ay masigasig na nagmamasid at patuloy na nakatutok sa pamayanan upang tukuyin at arestuhin ang sino mang may nagawang paglabag sa ating batas. Mas pinalakas rin natin ang kampanya kontra droga bilang pakikibahagi sa hangarin ng pamahalaan na gawing mas maayos ang ating komunidad. Sa bawat pagkakahuli ng mga drug listed personality na ito, unti-unti tayong lumalapit sa mithiing gawing mas ligtas at progresibo ang rehiyong Bicol,” ayon kay P/BGen. Jonnel C. Estomo, RD, PRO5. (JESSE KABEL)
324 