Sa paglutang ng ‘saksi’ FAKE NEWS NI KONSI NABISTO

ISANG konsehal ang nalagay sa balag ng alanganin sa paglutang ng isang saksing kabilang umano sa kanyang mga binayaran para palabasing may anomalya sa pamamahagi ng Livelihood Assistance Grant (LAG) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) regional office para sa tinatayang 3,500 benepisaryo sa bayan ng Pandi sa Bulacan.

Partikular na tinukoy ng saksing pansamantalang tinawag na “Madam Witness” si Konsehal Cris Castro na siya umanong may pakana sa paghahain ng reklamo laban sa Magic 7 Cooperative na itinalagang mangasiwa sa distribusyon ng ayudang pangkabuhayan.

Aniya, pinakiusapan siya ni Castro na mangalap ng 20 iba pa para lumagda sa isang reklamong ihahain sa National Bureau of Investigation (NBI) at Presidential Anti-Corruption Commission (PACC). Dagdag pa ng saksi, nakasaad sa dokumentong pinapipirmahan sa kanila ay ang alegasyong kaltas ayuda laban sa isang opisyal ng kooperatibang kilalang malapit sa alkalde.

“Mahigit dalawang linggo na po ang nakalipas ng ipatawag po ako ni Konsehal Cris Castro sa kanilang bahay sa Cacarong Bata, tinanong po ako kung kaya ko raw makahanap ng mga tao na magrereklamo at kailangan daw po niya ng 20 tao,” saad pa ng testigong lumutang sa pagpapatuloy ng pagdinig kaugnay ng nasabing usapin.

Pag-amin pa ng saksi, pinangakuan silang babayaran ng nasabing konsehal kapalit ng paghahain ng reklamong naglalayong isabotahe ang ayuda distribution bilang bahagi ng paghahanda nito sa halalan.

Giit pa niya, hindi na nila makayanan ang pinagagawang pagsisinungaling ni Castro na una nang napabalitang nais kumandidatong mayor sa kanilang bayan.

Sa isang pahayag naman, kumbinsido si Pandi Mayor Enrico Roque na ang paglutang ng isa sa 15 saksi ang hudyat para umusad ang imbestigasyon sa hangaring malinawan ang mga alegasyon ng katiwalian kaugnay ng pamamahagi ng livelihood assistance sa kanilang lokalidad.

Pag-amin pa ng alkalde, kusang loob na lumapit sa kanya ang nasabing saksi na nagpahayag ng kahandaang isiwalat lahat ng kanyang nalalaman sa aniya’y katiwalian, kasabay ng pagpiprisinta ng mga text messages at video na nais nitong gawing bahagi ng kanyang salaysay sa korte.

Bukod pa sa nasabing testigo, mayroon pang 6 complainants ang nakatakda na ring humarap sa tamang panahon at lugar upang pagtibayin ang alegasyon ni “Madam Witness.”

“Hindi pa nga po riyan natatapos ang pa-trabaho sa amin. Ang gusto niya pati yung ibang mga grupong ayaw siyang suportahan, sampahan din naming ng reklamo,” pagtatapos pa ni Madam Witness. (ELOISA SILVERIO)

479

Related posts

Leave a Comment