PAGBAHA NG SMUGGLED NA GULAY, ECONOMIC SABOTAGE

NAIS ni Senadora Imee Marcos na busisiin ang posibleng sabotahe sa ekonomiya ng pagbaha ng mga gulay mula China habang ang mga lokal na produkto galing Benguet at iba pang taniman sa Cordillera ay patuloy na nabubulok.

Ihahain ni Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs, ang Senate Resolution para tuntunin ang mga importer at mga opisyal sa Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) na sangkot sa agricultural smuggling.

“Wala tayong kadala-dala, nangyari na ito nung 2020, at nabigyan na ang DA ng Kadiwa trucks, tauhan at pambili ng gulay at baboy. Bakit ayaw pa rin ng DA bumili sa Pilipino? Bakit puro imported ang pinapaboran nila? Totoo nga bang nagpalit na sila ng pangalan sa Department of Importation, imbes na Agriculture?,” saad ni Marcos.

“Bugbog na ang mga local farmer sa pandemya at sa utang, hindi pa nabibili ang kanilang mga ani. Nabubulok at itinatapon na lang ang mga gulay na dapat sana mapakinabangan sa Metro Manila, kung naagapan lang ng DA,” dagdag pa ni Marcos.

Ipinaliwanag ni Marcos na alinsunod sa Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, o Republic Act 10845, ang pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura sa bansa ay isang uri ng pananabotahe sa ekonomiya at may katapat na kaparusahan.

Sa harap ng kawalan ng mga bumibili sa mga lokal na magsasaka at ng pagkabulok ng kanilang ani dahil sa mga restriksyon sa quarantine, nakakumpiska ang BOC ng nasa Php4.7 million na mga imported na repolyo, mga carrot, broccoli at iba pang gulay sa isang raid noong Huwebes sa Divisoria at iba pang parte ng Tondo, Manila.

Samantala, nasa walong metriko toneladang mga kamatis mula Ifugao ang itinapon na lang, ibinenta nang palugi sa mga hog at duck raisers, o ibinalik na lang sa kanilang mga taniman dahil sa hindi man lang ito binibigyang pansin ng DA.

“Kailangan kumain ng maraming lokal na gulay ang DA at walang kasusta-sustansya ang pamamalakad nito. Bakit hindi tuloy-tuloy ang pag-andar ng mga Kadiwa centers at ginagawang panakip-butas lang pag andyan na ang problema?” diin pa ni Marcos.

“Ang pagbibigay proteksyon sa ating mga lokal na mga magsasaka ang solusyon sa pangmatagalang pambansang seguridad sa pagkain at hindi importasyon ng mga produktong pang-agrikultura, kahit pa legal ito,” giit pa ni Marcos. (DANG SAMSON-GARCIA)

348

Related posts

Leave a Comment