ABANDONADONG EPEKTOS ISINUBASTA

TUMATAGINTING na P134.6 milyon ang pumasok na kita ng Bureau of Customs (BOC) sa pagsusubasta ng 336 containers na tuluyan ng inabandona ng mga importers at consignees dahil sa kakulangan ng mga kaukulang dokumento at kabiguan nitong bayaran ang katumbas na buwis.

Donasyon naman sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan ang kinauwian ng 35 abandonadong containers na naglalaman ng mga aklat, medical supplies, broadcasting equipment at iba pa.

Dinispatsa naman ng ka­wa­nihan ang kumpiskadong kargamentong laman ng 443 containers. Kabilang sa mga winasak at ibinaon batay na rin sa probisyon sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) ay mga ukay-ukay, mga nabulok ng pagkain, used oil, mga segunda manong furniture na kinumpiska ng nasabing kawanihan.

Mula buwan ng Hulyo, may kabuuang 814 containers ang nasabat ng BOC bilang bahagi ng paghihigpit sa mga pumapasok at lumalabas na kargamento sa iba’t ibang pwerto sa buong kapuluan, ayon pa sa Assessment and Operations Coordinating Group (AOCG) at mga tanggapan Auction and Cargo Disposal Monitoring Division (ACDD) sa 17 pwertong nasa pangangasiwa ng BOC.

Sa ilalim ng Section 1139 at 1141 ng CMTA, may takdang panahon lamang ang maaaring ilagi ng mga kargamento sa pasilidad ng BOC.

Kaugnay nito, ang mga kargamentong hindi pa kinukuha ng mga importers at consignees sa loob ng itinakdang 30 araw na palugit para sa pagbabayad ng karampatang buwis ay inilalagay sa kategoryang abandonado, maliban nalang kung saklaw ng isang alert order bunsod ng nakahaing asunto.

Mandato rin ng BOC na magpasya kung paano idispat­sa ang mga kumpiskado at abandonadong kargamento.

493

Related posts

Leave a Comment