OH MY GULAY!

IMBESTIGAHAN NATIN 

Ni JOEL O. AMONGO

KUNG hindi pa nag-ingay ang mga magsasaka mula sa Cordillera, hindi marahil magpupursigi ang Customs Intelligence Group at Manila International Container Port (MICP) na salingin ang hayagang kalakalan ng mga smuggled na gulay na ibinabagsak sa bandang Divisoria sa lungsod ng Maynila.

Dangan naman kasi, sagana naman tayo ng suplay ng mga gulay pero mas pinipili ang mga smuggled mula sa bansang Tsina dahil mas mura.

Sa isang banda, may katwiran ang mga mamimili pero higit na dapat isipin ang kaligtasan lalo pa’t walang kasiguruhang ligtas ang mga nasabing gulay mula sa bansang pinamumunuan ng BFF ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Reklamo ng mga magsasakang bahagi ng Benguet Farmers’ Cooperative, napag-iiwanan sa mga pamilihan ang kanilang mga inaning gulay.

Hindi naman sila makasabay sa mababang presyo ng mga gulay mula sa Tsina.

Mantakin mo nga naman, ang mga smuggled na gulay, walang buwis na binabayaran. Pero ang mga gulay ng mga magsasaka ng Cordillera, lahat ng gastos inaabot bago pa man makarating sa merkado.

Sa isang pagpupulong na isinagawa kamakailan sa pagitan ni Agriculture Secretary William Dar at kinatawan ng mga magsasaka at media, walang konkretong solusyon ang Kalihim. Ni wala yata sa planong tugisin ang sindikatong nagpalusot ng mga tone-toneladang kargamento.

Ang kanyang tanging nagawa – manawagan sa mamimili na huwag tangkilikin ang mga smuggled na gulay mula sa bansang Tsina.

Eh sino nga ba naman kasi ang nagbabantay sa mga pumapasok ng kargamento sa bansa — hindi ba’t ang Bureau of Customs?

Sa puntong ito, napilitan yata ang BOC na salakayin ang Divisoria, bagay na hindi rin naman ikinabilib ng mga magsasaka.

Bagama’t dalawang bodega sa Divisoria ang sinalakay ng mga operatiba ng kawanihan, tila wala naman inaresto o sinampahan ng kaso.

Maging sa hanay ng pwerto kung saan ilegal na ipinasok ng mga kargamentong naglalaman ng gulay mula sa Tsina, walang kinastigo.

Hindi lamang ang hanay ng mga magsasaka ang pinahihirapan ng smuggling operations sa bansa. Buong ekonomiya, dinadagukan. Ang dapat sana’y buwis na pumapasok sa gobyerno, nagiging kita ng mga kakuntsabang tiwali sa gobyerno.

Ang higit na nakakabahala ay ang nalalabing mga buwan bago sumapit ang Pasko. Ito kasi ang karaniwang panahong dagsa ang pumapasok na kargamento.

Sana lang may nalalabing puso ng pagiging makabayan ng ilang kababayan natin sa pwesto. Unahin natin ang mga Pilipino, ‘wag ang mga banyagang tulad ng mga switik na Tsino.

oOo

Para sa sumbong, maaaring lumiham sa operarioj45@gmail.com o magtext sa 0919-2595907.

279

Related posts

Leave a Comment